Tuesday, July 26, 2011

Ang Talinghaga ng Binata sa Bintana


Ang binata sa bintana
Araw-araw sumisilip,
Nagmamasid nang tahimik
Sa pagdaan ng dalagang iniibig.

Sinabi ng binata sa bintana,
“Hihintayin ko ang iyong pagdating,
Upang hagisan ka ng sipol at sitsit,
At manalanging iyong mapansin.”

Kaya’t ang binata sa bintana
Sa pagdaan ng dalagang iniibig,
Buong kisig at bilis na sumitsit;
Ngunit binibini’y bingi sa pagdudumali.

Ang binata sa bintana
Nag-isip ng maaring gawin,
Upang ang tingin ng binibini,
Tuluyan nang mabingwit.

Kayat nang umaga’y sumapit,
Ang binata sa bintana’y naghagis,
Nang gintong pilak na maningning
sa daraanan ng binibining iniibig.

Dalaga’y nagulat sa gintong natagpuan,
Kinilig sa kapalarang di niya inaasahan;
Binatang naghagis, di na napansin
Binibini’y nabulag sa kinang ng pilak.

Hinagpis ang sinapit
ng binata sa bintana,
Ngunit ang maghihinakit
Hindi naghari sa kanyang isip.

Kaya’t ng umaga’y muling sumapit,
Ang binata sa bintana’y muling naghagis,
Hindi ng sitsit o gintong maningning,
Kundi nang paso, na sa bintana’y nakasabit.

Ang paso’y bumagsak sa harap ng binibini,
Mga matang nanlilisik naghanap ng salarin,
Agad niyang napansin binatang naka-ngiti,
Na tila nagalak pa sa buong nangyayari .

At nasambit ng binata sa bintana,
“Hiling ko’y paumanhin, aking binibini;
Magaspang kong gawi, di ko rin inibig.
Pagkat ang tanging nais, tingin mo’y mabingwit.

Ang lahat ng bagay pilit kong gagawin,
Makamit ko lamang ang iyong pag-ibig.
Kung kinakailangang ika’y gulatin,
Susuungin ko maging iyong hinanakit at galit;

Sapagkat …

Pakatandaan at huwag limutin,
Ang di mapansin ng ginigiliw,
pait at hapdi
ang dulot
sa pusong
umiibig.


- o 0 o -

Ang mga karakter sa tula:
Diyos --- ang binata sa bintana
Tayo --- ang binibining iniibig

- Fr. Willy M. Samson
(Talinghaga ng Binata sa Bintana)

0 comments:

Post a Comment