Monday, July 11, 2011
Sana Naman
Ang akala ko,
Malayo ako sa lupit ni Ondoy;
Hanggang ang pamilya ko mismo,
Ang binaha’t natulog sa yerong bubong.
Ang akala ko,
Malayo ako sa lupit ng magtotroso;
Hanggang ang akasya sa tapat ng bahay ko,
Walang paalam na pinutol ng kapit-bahay ko.
Ang akala ko,
Wala akong pakialam sa gutom ng mundo;
Hanggang ng mawalan ako ng trabaho,
At dumaing ng gutom si bunso.
Ang akala ko,
Ang pangungupit sa kaban ng bayan di maiiwasan;
kung kayat nagkibit balikat at nanood na lamang,
Hanggang ng ako mismo ang pinagnakawan.
Kinakailangan ko pa bang
maranasan ang lupit ng kalikasan,
ng kasamaan at karahasan;
o maging biktima ng kawalang katarungan,
bago ko makita ang halaga
ng pakikibaka para sa bayan?
Kinakailangan pa bang ako mismo
Ang malamangan o ma-abuso
Mahirapan o ma-agrabyado
Upang kumilos at maging makabayan?
Sana naman,
Angkinin natin
ang ating bayan,
Bilang ating yaman
na dapat bantayan,
ipaglaban at pangalagaan.
- Willy M. Samson,SJ
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

0 comments:
Post a Comment