
Isang araw, habang nagmimisa ako sa Kapilya ng Camp Sampaguita, kitang-kita ng dalawa kong mata ang isang surot! Mabilis na gumagapang sa aking puting sutana, paakyat sa aking balikat! Natakot ako! Nadiri! Subalit sutana ko’y hindi ko maipagpag sa gitna ng Misa. O sa harapan ni Ma’am Rexy at ng mga bilanggo na taimtim na nananalangin! Nawala sa Misa ang aking isip, at sa surot napunta. “Saan na kaya nagsuot ang surot na iyon?” tanong ko sa sarili. Ayoko ng surot, hayok ito sa dugo. Traydor. Mabaho. Maitim. At karimarimarim! Hindi ko na alam kung saang singit ito nagtago. Hinintay ko na lamang kagatin ako at sipsipin ang aking dugo. Subalit wala, hanggang natapos ang misa, hangang nakauwi ako sa bahay.
Sa isip-isip ko, baka naman nais lamang ng surot na maki-angkas ng libre papalabas sa bilanguan? Patungo sa malayang lipunan, patungo sa kalayaan !
Sa mata ng lipunan, surot ang turing sa isang bilanggo. Sumisipsip ng dugo, ganid, maitim, mabaho at traydor. Dapat lang tirisin. Dapat lang kainisan. Dapat lang bitayin o bulukin sa loob ng bilangguan. Siguro ito ang papel ko sa bilibid : pa-angkasin ang mga bilanggo sa pag-ibig at awa ng Diyos na dala-dala ko, upang makalaya sila sa madilim nilang nakaraan at magbagong-buhay.
Tulad ng surot na aking nakita sa aking balikat, nais lamang makipagkaibigan ng mga bilanggo sa akin. At wala silang balak ng mangagat at sipsipin ang aking dugo. Iginalang nila ang mga taong-laya na tulad ko, na maari nilang sakyan, angkasan, at pagtaguan upang ang kalayaan sa kasamaan at pagbabago ay makamtan. Sa ganang akin, pwede pa ring mahalin ang mga surot ng lipunan.
Kung titingnan mo naman ang ugali ng isang bilanggo, mahirap talaga silang mahalin. Iba’t –iba ang ugali may palahingi, may pala-utang, pusong mamon, tamporista, sipsip, sabik sa biyaya, feeling gwapo, may manloloko, may pailalim kung tumira, at may baltik minsan. Ilan lamang ito sa iba’t-ibang bihis ugali ng mga bilanggo. Hindi ba nakakainis?
Subalit kapag nakausap mo sila, katulad mo, taung-tao sila! Tulad nating mga taong-laya… puno rin ang mga bilanggo ng takot, pangamba, pagkaduwag, hinanakit at kawalan ng pag-asa. Subalit mayroon din silang pangarap, marunong umasa at may takot sa Diyos. At higit sa lahat, takot din silang mag-isa. Nangangailangan din sila ng pagdamay mula sa isang kaibigan.
Subukan mong mag-almusal kasama sila. Naki-agaw sa paulit-ulit na sardinas na aming ulam. Nakipaglaro ng chess, dama at scrable. Pinagkatiwalaan. Kinaibigan. Natulog sa kanilang selda. Maki-panalangin. At Pinatawad ang paminsan-minsang baltik ng kanilang isip. At makikita mo, tama pa rin si Tita Glo, maaring mahalin ang mga bilanggo.
Isang araw, isang bilanggo ng death row ang lumapit sa akin. Nagpasalamat sa aking tiyaga sa kanilang mga latak ng lipunan. Nagulat na lang ako sa kanyang sinambit, “Alam mo Padre, karamihan sa amin, wala namang pagnanasa pang magbago pa, pero nang malaman namin na may taong naniniwala sa amin na maari kaming magbago, napapahiya kami...at doon kami nagsisimulang magbagong buhay.”
Ngiti sa aking mukha’y bumabalik sa tuwing makikita ko ang mga bilanggong nakasuot ng polo barong sa misa at kagalang-galang tingnan (buti na lang at nakasutana ako nagmimistula akong driver sa harapan nila.) sa tuwing umaawit at sumasayaw ng buong kisig sa saliw ng awiting “Kalesa,” sa tuwing napapanood ko sila sa telebisyon na nagtapos ng komersiyo sa loob, sa tuwing nakikita ko ang isang juvenille na tahimik na nagtitipa ng gitara sa loob ng misa, sa tuwing nakikita ko silang nagpapaligo ng kapwa bilanggong may karamdaman sa NBP Hospital, o nagtuturo ng aralin sa education section at nang iba’t ibang sining at handicraft. Sa tuwing nakarinig ako ng isang bilanggong nakapagpatapos ng kanyang anak sa pagbebenta ng banana-Q sa loob ng bilangguan.
Sa tuwing nakakakita ako ng kaunting pagbabago, nangingiti na ako.
Sa bilangguan, naririyan lagi ang tagisan ng pagkabigo at tagumpay, pagka-alipin at paglaya, kawalan at pag-asa, paglubog at paglitaw, dilim at liwanag, pag-ngiwi at pag-ngiti. Lahat ng ito’y nagbibigay buhay sa makulay na buhay sa bilangguan.
Mali si Tita Glo. Ngiti ko’y hindi napawi. Bakit ako ngingiwi, kung alam kong ngingiti rin ako sa banding huli.
- ni Willy M. Samson,SJ
(Ang larawan sa taas ay ang mga volunteers ng Philippine Jesuit Prison Service, kasama ang director na si Fr.Jonjee Sumpaico,SJ. Ang larawan ay kuha sa loob ng kapilya ng Minimum Compound. Ang kapilyang ito ay galing sa mga kaibigan na nag-ambag ng materyales at pinansiyal na tulong. Muli, maraming salamat sa lahat. Mayroon ng dalanginan ay mga surot ng lipunan na natuto kong mahalin)
No comments:
Post a Comment