
(Huling Kabanata)
Magsasalita pa sana si Menchie nang lumitaw sa kanyang likuran ang isang humahangos na dalagita. “Ate Menchie! Bakit po?Ano pong nangyari?” ang tanong ni Michelle.
“Wala. Sige na, umuwi na kayo at baka hinahanap na kayo ng inyong mga magulang. Uuwi na rin ako.” ang tugon ni Menchie. Itinago niya ang mugto niyang mga mata.
Naguguluhang lumayo si Jun at Michelle. Nakalimutan ni Jun ang latang tambol.
“Magkita tayo bukas. Sa kapilya,” ang pahabol ni Menchie.
Si Michelle ay isang dalagitang mag-aaral na nasa ikatlong antas sa mataas ng paaralan ng San Ignacio. Bumalik sa alaala ni Menchie ang mga salitang binigkas ni Michelle: “Ate Menchie, gusto ko ring maging professional catechist katulad mo.”
Naputol ang kanyang alaala sa ingay ng isang bankang de motor na dumaan sa kanyang harapan.
Pinagmasdan niya ang buong paligid. Madilim na. Wala na ang pagtatagisan ng liwanag at dilim. Nanaig na nang lubusan ang kadiliman.
Mga liwanag na lamang ng bituin ang tanging naiwan. Tahimik na ang paligid. Wala na ang mga batang nagtatampisaw sa dalampasigan.
Ngunit maliwanag at umuusok ang ilang bahagi ng mga bundok sa Carmen. Dahil sa kaingin. Ganito na rito sa Carmen. Pagpuputol ng puno kinasanayan na rito.
Noong nakaraang linggo, nakatanggap si Menchie ng isang sulat na nagbabanta at nag-uutos na itigil niya ang pangunguna sa mga protesta laban sa mga illegal logging. Noong nakaraang linggo, sinimulan nila ni Kapitan Pedro ang pangangalap ng mga lagda sa bayan ng Carmen na tahasang tumututol sa illegal logging.

Napakagat sa labi si Menchie. “ Bukas, wala na ako rito. Tiyak na matutuwa ang mga illegal loggers.”
Marahan siyang tumayo. Pinagmasdan ang mga along humahampas sa malalapad na sanga nang nakahapay na akasya.
Muling naglalakad si Menchie. Di na siya nagpaalam sa akasya. Ayaw niyang isiping patay na ang akasya.
Bawat hakbang niya’y nag-iiwan ng bakas sa maputing buhangin, ngunit dagliang binubura ng alon.
Pinagmasdan niya ang mga dampang sa kalayuan na idineklarang “state of calamity” ni bagyong Katring. Naibulong niya sa kanyang sarili, “Buti pa si Je-an, nasa United States na... samantalang ako, nasa state of calamity.

Muling tumigil si Menchie sa paglalakad. Tumingala sa langit. At tiningnan ang mga bituin at buwan na tila nakikinig lamang sa kanyang mga hinagpis.
Sinubukang magsalita ni Menchie, “Kaibigang bituin, bukas ng umaga...aalis na ako. Pupunta na ako sa Hongkong upang doon magtrabaho bilang domestic helper. Walang patutunguhan ang buhay ko sa pagiging isang katekista sa bayang ito. Nanlalamig siya sa kanyang nasambit. Ngunit naghihintay siya ng pang-unawa.
“Mga bituin, sana maunawaan ninyo ako.” Muling tumulo ang kanyang luh.
“Katekista... katiista?...martir na dapat sabitan ng medalya? Walang laman lagi ang bulsa. Mahal ko ang bokasyong ito ngunit kailangan ko ring isipin ang aking sarili. Kailangan ko ring mabuhay ng maayos. Tulad ni Je-an,” ang pagbulong ni Menchie.
Ibig sana niyang magbalik sa akasya at doon umiyak, ngunit wala na ang akasya. Wala na siyang iyakan.
Dumilim ang langit. Nawala ang mga bituin. Umihip ang malakas na hangin. At nagsimulang umulan. Tila nakiramay sa kanya ang kalikasan. Napansin ito ni Menchie, kayat daglian niyang pinunasan ang kanyang mata at nagdudumaling binaybay ang daan pauwi.

Madaling araw. Tulog pa ang buong baryo ng Carmen at tumitilaok pa lamang ang mga manok. Mabilis na bumaba ng traysikel si Menchie sa pantalan ng San Agustin na kinadadaungan ng barkong “Salve” na papaluwas ng Maynila.
Nakamaong at nakaputing T-shirt si Menchie. Bitbit niya ang dalawang lumang maleta at isang backpack. Nakayuko ang ulo na hindi mo alam kung nahihiya o may pinagtataguan. Mabilis siyang umakyat sa andamyo ng barko patungo sa upper deck, di upang makakuha ng magandang puwesto sa barko, kundi upang di siya makita ni Michelle, Jun, Franklin at ng iba pang bata na karaniwang naglalako ng kakanin at pasalubong sa mga pasahero. Binigo niya ang mga ito, ang pakiramdam ni Menchie.
Inilapag ni Menchie ang kanyang mga dala-dala sa isang bakanteng teheras sa kanang gilid ng barko na nakaharap sa pantalan. Naupo siya, nagkibit- braso, at nagbuntung-hininga.
Madilim pa rin ang paligid. Sumisikat pa lamang ang araw. Muli na namang naglalaban ang liwanag at dilim. Ngunit nabanaagan na ni Menchie ang buong munisipyo ng San Agustin, pati na rin ang mga nakakalbong bundok ng carmen sa kalayuan.

Pilit nilalagay ni Menchie sa kanyang isip ang kanyang bagong buhay sa Hongkong . Ngunit hindi siya mapalagay. Pakiramdam niya’y naging makasarili siya. Ngunit wala siyang magawa. Kailangan niyang maging praktikal.
Sa loob-loob niya, “ Hindi sana mangyayari ito kung nabigyan lamang kami ng sapat na sahod. Kailangan ko ring intindihin ang aking sarili.” Kinuha niya ang kanyang MP3 at sinubukang lunurin ang isip sa pakikinig.
Ngunit sa kanyang puso, alam niyang hindi niya gusto ang kanyang gagawin. Mahal niya ang mga bata at ang bayan ng Carmen.
Naglalaro pa rin sa kanyang isip ang maayos na buhay ni Je-an...ang Hongkong...ang mukha ng mga bata... si Michelle ... si Jun... si Kapitan Pedro...ang nakakalbong bundok ng Carmen...ang akasya... ang tawag ng Diyos.
Napatingin si Menchie sa sumisikat na araw. Pinagmasdan niyang mabuti ang pagtatagumpay ng liwanag laban sa kadiliman. Biglang lumiwanag ang mukha ni Menchie.

Ngumiti si Menchie. Tiningala niya ang langit. Maaliwalas. Tila nagbabadya ng bagong pag-asa.
Alas-sais ng umaga, mataas na ang araw. Nanaig nang lubusan ang liwanag. Mabagal na tumulak ang barkong Salve patungong Maynila. Lulan ang maraming mamamayan ng Romblon upang makipagsapalaran sa Maynila. Marami pa rin ang naniniwalang napupulot lamang ang ginto sa Maynila.
Alas-sais ng umaga, sa kapilya ng Carmen. Sabay-sabay na nananalangin ng Orasyon ang mga tao. Pinamumunuan ni Jun at Franklin ang pag-awit ng “Aba Ginoong Maria” habang si Michelle naman ang nagtitipa ng gitara.
Alas-sais din ng umaga, sa dalampasigan ng Carmen, isang bayanihan naman ang naganap. Isang grupo ng mga mangingisda ang tulung-tulong na itinayo ang akasyang ibinulid ng bagyong Katring. Umaaasang hindi pa ito patay. Nananalangin ng mabubuhay pa ito.
Bahagi na ng buhay nila ang akasya. Kailangan pa nila ang akasya.
... alay sa mga katekista na di-nangihinawa at patuloy na nagsisilbing liwanag sa kadiliman ng mundo.
- Willy M. Samson,SJ

No comments:
Post a Comment