
(Galing sa isang kaibigan ang unang sulat. Isang paglalabas ng buntung-hininga. Ang ikalawang sulat ay galing sa akin...isang pagpupumilit na sagot sa katanungang namamangka sa pagmamahal sa sarili at kapwa. Ito'y sagutan sa e-mail)
Bigla kong tinanong ang aking sarili, "Bakit napunta sa aking balikat ang responsibilidad sa buong pamilya? Dahil ba sa single ako? Ewan ko. Halimbawa, Ako ang nagbabayad ng ilaw, ng tubig at pagkain. Kapag meron akong pera ... dapat i-share sa aming lahat, pero ang mga kapatid ko kapag meron sila para sa kanilang pamilya lamang. Hindi na Ako kasali. Tinitipid ko ang sarili ko sa lahat ng bagay... upang gastusin lamang ng buong pamilya . Ako ang naghihigpit ng sinturon sa mga kailangan ko tulad ng shampoo, moisturizer, at pabango… binibili ko para sa sarili ko ... tapos ubos agad, kasi nanghihingi lagi ang mga kapatid ko. Mahirap pala ang maging AaaaahhhhKo na single!. Puro na lang lagi sa budget ko dahil wala naman akong maasahan sa kanila. Pero ano nga ba ang dapat kung gawin? Ang lahat ay nagiging magkatimbang ... si Ako at ang Pamilya ko.
Mahirap magbigay kung kakaunti lamang ang iyong hawak, na kahit sa sarili ay di sapat. Minsan tuloy, yung kaunting akin na natipid ko di ko binibigay, pero di naman panatag ang kalooban ko. Kainis di ba? Lalo na kung tatay at nanay mo ang nanghihingi. Pag binigay ko naman, hindi rin ako panatag… kasi paano naman Ako? Hindi ba nakakainis na nakakalito? Hay naku, di talaga madali ang prayer of generosity si san ignacio kapag isinabuhay mo… madaling kantahin at pakinggan, pero pamatay sa totoong buhay. haaay, hehehehe.
May malalim na imbitasyon sa maging totoo ako sa aking Ako, pero merong kaliwa at kanan si Ako. Ang gulo ko ba? Pasensiya na ha, gusto ko lamang bigkasin ang gulong nangyayari sa aking puso, di ko rin kasi alam kung paano ko bibigyan ng magandang pagtatapos ang Kuwentong AKO!.. para bang kailangan kong bigkasin ang ako ko sa aking puso na tila nilalamon ng mga SILA ng aking buhay.
Hay buti nalang nandiyan ka, na hindi Ako........, salamat sa iyong pagbibigay pansin sa aking kuwentong ako.....

TUGON KAY AKO:
Hello Ako!
Naaliw naman ako sa kwentong ako mo... hindi ko na alam kung ikaw nga ba iyan o ako na nakikinig din sa sarili kong ako...hahaha.
May kalaliman ang iyong kwentong AKO. Minsan sa ating kultura, mahirap talagang maging single na may trabaho...kadalasan ikaw ang aako sa lahat ng gastos at responsibilidad sa pamilya. Hay naku kaibigan... dapat bang maging ganyan? Parang hindi ata dapat yan. Kaya nga kung gusto mo... kailangan mong humakbang ... kung kaya mong humiwalay sa kanila ... gawin mo. Walang masama doon. Unawa kita. Tiyak unawa ka rin ng Diyos. Kailangan mo ring pakinggan ang AKO na matagal ng naghahanap ng sariling kalayaan na labas sa pamilya. Unawain mo na lang ang mga kapatid mo na hindi nakapag bibigay sa pamilya mo, iba rin kasi ang may asawa at anak... mataas ang gastos, maraming iniisip ...kaya madalas, ang fallback ng pamilya …. kung sino ang single sila ang bahala sa lahat. May mali talaga dito.
Pero kung hindi kaya ng konsensiya mo na umalis at mag-isa (kailangan ito ng malalim ng pangingilatis) at hindi rin kaya ng iyong bulsa ... kailangan mo na lang na paminsan minsan, pakinggan ang iyong AKO na humihingi ng kaunting kalinga at panahon sa iyo ... treat yourself... be kind to yourself...hindi ito selfish … marami ka nang ipinagkait sa sarili mo dahil sa pamilya, alam at unawa ng Diyos na kung paminsan minsan ...sarili mo lamang ang iisipin mo ... bumili ka ng gusto mong damit ...kumain ka ng paborito mong pagkain ... magtabi ka ng kaunti para sa sarili mo at lumanghap ng kaunting lamig ng Baguio at tubig ng Boracay ...huwag kang ma-guilty... walang mali doon, dahil sa totoo lang, hindi ka naman makasarili. Naalala mo ang kwento ni Hesus ng pagalitan niya ni Magdalena sapagkat pinunasan nito ng mamahaling pabango ang kanyang paa? Sabi ni Hudas, "Panginoon, ang pabangong ginamit niya ay pwedeng magpakain ng maraming mahihirap." Pero sabi ni Hesus, "Ang mahirap ay lagi mong kasama...hayaan mong gawin ang gusto ng babaing ito?" Parang selfish si Hesus di ba?" Hindi. Marunong lamang siyang mag-alaga rin sa kanyang sarili... anyway, buong buhay naman niya ibinigay sa atin... wala namang mali kung kahit sandali isipin niya ang kanyang sarili.
Minsan, sa ikatatahimik din ng iyong puso at upang bigyan din ng halaga ang sarili mo na tumutulong sa pamilya...makatutulong na ibigin din ang sarili. Yung labis na pagmamahal sa sarili lamang ang masama.Di ba sabi sa ebanghelyo... love others as YOU LOVE YOURSELF... hindi naman sinabing love others lang ... merong pahabol at paalala na LOVE YOURSELF... yun lang .
Balanse lang ang kailangan...kaya nga lumabas sa puso’t ilong mo ang hinagpis ng pagod na AKO ... sumisigaw na si ako, nag-aalburuto na… nagsusungit na… dahil laging SILA SILA SILA lang ang iniisip ni akao. Paminsan minsan .. mahalaga rin ang AKO AKO AKO..Bakit? para hindi ka maubusan ng lakas at tino ng isip sa pagtulong sa pamilya mo at ibang tao ... kita mo, umiiksi na ang pasensiya mo at unawa ... hindi ka na makangiti o makapagbiro man lamang … masyado ng seryoso ang mukha mo at tila malaki na ang iyong itinanda. Tila pasan mo na ang mundo. Di ko na nga alam kung ikaw nga ba ang aking kaibigan masayahin? Kasi nga, nakalimutan mo nang alagaan ang sarili mo... yung lang, pakinggan mo rin ang AKO mo ... at ibalanse sa mga SILA mo.
Narito ang isang kwentong pahabol...Lumapit ang ibon sa isang uod at ang sabi ng ibon, "Kakainin kita". Subalit nagsalita ang uod at ang sabi, "Sige, kainin mo ako...pero isang kahilingan lang kaibigan, maari bang ang kalahati ko lamang ang kainin mo? Sapagkat kapag kinain mo ako ng buo, ako'y mamatay at ikaw ay mabubusog, subalit pagkatapos niyan ... wala ka ng pagkain. Kung kalahati lamang ng katawan ko ang iyong kakainin, maari ko pang maibalik ang aking katawan sa dating gawi at maari ka pa ring makakain sa darating na panahon."
Ingat kaibigan... sana hindi ka nalito sa sinabi ko. hahahaha.

No comments:
Post a Comment