Thursday, March 1, 2012
Ang Disipulo at Guro 4
"Sa likod ng mga kasamaan, nagsisisi ba ang Diyos na nilikha niya ang tao?" At sumagot ang guro, "Hindi. Alam ng Maykapal na maaring sumuway ang tao sa kalayaang ipinagkaloob, subalit pinili pa rin Niyang likhain ang tao, sumunod man tayo o hindi. Sapagkat ang tunay na pag-ibig ay handang magtaya, lumuha at magparaya." - Pitik-Bulag
"Bakit po ba may mga taong makati ang dila?" Sumagot ang guro, "Hindi na baleng kumati ang dila sa pagpapahayag ng Mabuting Balita, huwag lamang sa paninira ng kapwa. Mas makabubuting pigilan ang dila kung wala rin naman sasabihing maganda sa kapwa." - Pitik-Bulag
“Guro, sa aking pananahimik, nagbibigay hinahon pala ang simpleng pagpiga ng lemonsito.” Sumagot ang guro, “Hindi lamang katas ng lemonsito ang mapipiga sa pananahimik, pati na rin ang katas-pagmumuni-muni ng ating mga pinagpaguran at pinaglaban sa buhay… katas na nagbibigay ng lukso’t sarap sa buhay na minsa’y tumatabang o nagkukulang sa linamnam.” - Pitik-Bulag.
No comments:
Post a Comment