Thursday, March 15, 2012
Ang Pakikipagbuno sa Kapatawaran
Bakit po ba mahirap magpatawad? At sumagot ang guro, "Hindi madali ang magpatawad sapagkat nangangahulugan ito ng sariling pagsasa-ayos ng buhay mo na sinira ng ibang tao. Sa mata ng tao, hindi ito makatarungan. Ako na ang nasaktan at nalamangan, ako pa rin ba ang magsasa-ayos? Subalit ang pagpapatawad ay para rin sa iyo, upang simulang ayusin ang buhay mo na ginulo’t sinira ng iba. Ikaw pa rin ang tanging mag-aayos ng buhay mo at hindi ang bumundol sa iyo. Kung hihintayin mong humingi ng tawad at ayusin ng taong nagkasala sa iyo ang buhay mo, maaring hindi dumating ang panahon na ito. Ikaw lamang ang lalong kaawa-awa. Papayag ka ba? Hindi ito tama kaya’t dapat lamang itama.”
- Pitik-Bulag
Alam ng Diyos na pinatawad ko na ang aking kaaway. Pero bakit nararamdaman ko pa rin ang sakit ng kanyang ginawa? At sumagot ang guro, “Ang mahalaga ay ang desisyon na magpatawad. Panahon ang hihilom sa sakit na dulot ng kasalanang ginawa sa iyo. Tandaan mo, hindi agad nawawala ang sakit ng isang matinding sampal o malalim na sugat. Ngunit gumagaling ang lahat sa tulong ng Maykapal. Ang mahalaga ay ang paggawad mo nang pagpapatawad para sa iyong ikabubuti. Sapagkat sa pagpapatawad lamang nagsisimula ang kagalingan ng puso, kapayapaan at muling kaayusan ng buhay mo.” - Pitik-Bulag
No comments:
Post a Comment