Kahit kulang sa timpla
at matamlay ang kulay,
Bakit laging masarap
ang pansit ng kapit-bahay?
Kahit alam natin na di sukatan
ng kaligayahan ang kayamanan,
Bakit lagi nating napapansin
ang bagong gamit ng kapit-bahay?
Ganoon ba talaga ang tao?
Laging maganda ang kapalaran ng iba?
Laging nakalalamang ang kapit-bahay?
O sadyang hindi lang tayo makuntento?
Bakit lagi nating nakikita
ang mabuting kapalaran ng iba?
At bulag sa tagumpay at ganda
ng ating sariling pamilya.
Walang masamang maghangad
nang mga bagay na wala sa atin,
Ngunit huwag din nating kalimutan
na magpasalamat sa ating natanggap.
- Pitik-Bulag
No comments:
Post a Comment