Wednesday, September 16, 2009

Ako...Pari?


“Wanted, Bagong Kristo, “ito ang mga salitang nilalaman ng isang poster ng mga Heswita na aking nabasa sa Pamantasan ng Santo Tomas. Naaliw ako. Napa-isip. “Ako? Bagong Kristo? Ako...magpapari?” Tinawanan ko lang ito. At sa loob-loob ko, “ayoko, hindi pwede...malabo.” May pangarap yata akong maging isang inhinyero, magkaroon ng sariling bahay at kotse, at magkaroon ng asawa’t anak na aking mamahalin habang-buhay. Simpleng pangarap ng isang karaniwang binata.

Ngunit ewan ko ba kung bakit ganito ang Diyos, kapag kinalabit at tinatawag ka Niya, hindi ka na mapapalagay...para bang may apoy ang aking puwit. Mayroon Siyang kakaibang panghalina o gayumang napakahirap baliwalain at takasan. Pakiramdam ko, nabiktima ako...at nagpabiktima naman ako. Pagkatapos kong mabasa ang poster, isang katanungan ang biglang bumagabag sa akin, “Tinatawag ba talaga ako ng Diyos sa pagpapari?” Hindi na ako mapakali pagkatapos nito subalit buong tapang kong hinarap ang tanong na ito.

Sinubukan kong tingnan ang kapalaran ko sa Kapisanan ni Hesus. Taong 1986 nang dumalo ako sa “vocation seminar” ng mga Heswita. Nahalina ako. Nais ko pumasok kaagad sa seminaryo, subalit naunahan nang malaking takot. Ito na nga ba? Paano kung hindi ito? Paano na ang aking buhay? Ang aking mga pangarap?

Ngunit ewan ko ba, sa likod ng mga takot at kawalang-katiyakan, minarapat ko pa ring pumasok sa Kapisanan ni Hesus. Iniwan ko ang aking mga pangarap sa buhay. At inangkin ang mga pangarap ng Diyos bilang aking mga pangarap. Marahil, ganito talaga ang umiibig, handang iwanan ang anumang bagay makamtan lang ang pag-ibig ng minamahal. Noon ko lamang naunawaan si Balagtas nang sabihin niya, “ O pag-ibig na makapangyarihan, kapag ikaw ang pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.”

Subalit tulad ng dalawang nag-iibigan, dumarating sa isang punto ng kanilang pag-iibigan na matatapos din ang ligawan, ang pulot-gata, at ang kaligayan. Dumarating din sa aking buhay- Heswita o pagpapari ang kalungkutang dulot ng pag-iisa, ang kapaguran dulot na paulit-ulit na gawain, at ang tila kawalang-kahulugan ng mga bagay. Subalit...ewan ko...baliw na ata ako...sapagkat sa likod ng kahirapan, kakaibang kaligayan at kapayapaan ang aking nararamdaman.

Punung-puno ng kabalintunaan ang buhay-pagpapari. Marami akong kasama at kaibigan subalit nag-iisa ako. Nag-iisa ako, subalit marami akong kasama. Ang buhay ko’y mahirap, subalit masarap. Sabi nila, masarap daw ang buhay ko subalit mahirap. Nakababaliw talaga! Subalit sa likod ng mga kabalintunaang ito, buhay na buhay pa rin ang aking pagnanasang yakapin ang ganitong uri ng buhay.

Alam kong hindi mawawala ang kirot ng pagka-inggit at panghihinayang tuwing makakakita ako ng makasintahang nagsusuyuan. Tumitibok pa rin ang aking puso, marunong pa ring itong mabighani at umibig sa isang kaakit-akit na binibini. Naririyan pa rin ang paminsan-minsan pagka-inggit tuwing nagkakaroon ng sariling bahay at kotse ang aking mga kaibigan sa high school. At natutulala pa rin ako...kapag nagkakaroon ng bagong anak ang aking mga kaibigan.

Ngunit sa likod ng lahat, batid kong hindi ko tinatakasan ang mundo, bagkus hinaharap ko ang mundo nang tumugon ako sa tawag ng Diyos. Nakapagtataka na ito pa rin ang aking pipiliing buhay kung bibigyan uli ako ng isa pang buhay. Baliw talaga!

Ang pag-ibig ng Diyos at ang pangakong sasabayan niya ako sa aking buhay-paglilingkod ang tanging nagbibigay lakas sa akin. Isang tapik sa balikat na magpatuloy, kahit tila hindi malinaw ang kinabukasan, sapagkat patuloy niyang sinasabi sa akin, “ Huwag kang matakot, ako ang bahala sa iyo.” Ito ang nagbibigay sa akin ng di-malirip na kapayapaan sa likod ng iba’t-ibang mukha ng buhay relihiyoso.

Alam ko, natagpuan ko na ang aking perlas...ang aking kayamanan. Tumugon ako. At hindi ako nagkamali.

- Willy M. Samson, S.J



Isang pagbati sa mga bagong diakono ng Kapisanan ni Hesus...

No comments:

Post a Comment