Friday, September 18, 2009

Katanghaliang Tapat ... Sa Grotto



Nagpasiya na siya. Buo na ang kanyang loob. Ipalaglag na niya ang bata sa kanyang sinapupunan. Niloko lamang siya ni Raymond. May asawa na pala si Raymond at hindi na ito babalik. Isang malaking kahihiyan lamang ang idudulot ng sanggol at kamumuhian lamang siya ng kanyang mga magulang at mga kapatid. Ito ang laman ng isip ni Laura habang pumapanhik siya sa matarik na sementong hagdanan ng grotto ng Lourdes sa Baguio.

Maong na kupas at itim na T-shirt ang kanyang suot. Matangkad at balingkinitan ang katawan ni Laura. Ang edad niya’y naglalaro sa beinte-tres hanggang beinte-singko. Hindi niya alam kung bakit naisipan niyang pumunta ng grotto. Magpaalam ba siya sa Birheng Maria sa masamang binabalak niya? O hihingi ba siya ng tawad sa kasalanan niyang gagawin, at magbakasakaling maiintindihan siya ng Diyos? O nais lamang niyang makinig ang Birhen sa sinapit niyang malupit na kapalaran?

"Bahala na. Wala nang makapipigil sa akin. Matagal ko nang pinag-isipan ito. Nalilito ako at hindi ko alam ang aking gagawin," sa loob-loob ni Laura, “Ibig ko lang Makita ang grotto.” Dalawang buwan na ang nasa sinapupunan ni Laura. Natatakot siya ngunit wala siyang magawa.

Mabigat ang mga hakbang ni Laura. Halos kinakaladkad niya ang kanyang mga paa at parang wala siyang naririnig, nakikita, at nararamdaman. Hindi man lamang niya napansin ang babaeng bata na kanina pa nagtataka habang nag-aalok ng rosas para sa Birhen. Di man lamang niya inaalintana ang mga batang paslit na kanina pa nangangalabit at nag-aalok ng kandila. Nais lamang ni Laura na makarating sa ituktok ng grotto.

Pawisan at naghahabol ng hininga si Laura nang makarating siya sa ituktok. Katangahaliang tapat. Walang katao-tao sa grotto. Tahimik.

"Mabuti na lang at walang tao, walang makakapansin sa mga mugto kong mata,” sa loob-loob na Laura. Maganda pa rin ang grotto. Napapaligiran ng sari-saring bulaklak na tila nagpapaligsahan ng kagandahan.

Napansin ni Laura na hindi siya makatingin sa Imahen ng Birheng Maria. Ibinaling na lamang niya ang kanyang paningin sa mga kandilang nakatirik at sa mga rosas na masusing inayos sa paanan ng Birhen. Nanlalamig siya gayong katanghalian-tapat. Sinusubukan niyang manalangin ngunit hindi niya magawa. Tumulo ang kanyang luha na tila sumasabay sa pagtulo ng mga kandilang natutunaw sa paanan ng Birhen. “Mama Mary . . .,” ito lamang ang nai-usal ni Laura.

Maya-maya, napansin ni Laura na may tao sa kanyang likuran. Mabilis niyang pinahiran ng ang kanyang mga luha, kaagad dinukot ang itim na rayban sa bulsa ng kanyang maong at isinuot ito. Lumingon si Laura. Isang babae na nasa kuwarenta ang edad ang nakaluhod sa luhurang bakal at taimtim na nananalangin.
Mestisa at makinis ang kutis ng babae. Pagkatapos ng ilang minuto, tumayo ang babae at tumingin sa Birhen. Hindi pa rin makatingin si Laura sa Birhen.

Isang matamis na ngiti ang nabanaagan ni Laura sa mukha ng babae, at nabigla si Laura nang biglang nagsalita ang babae, “Alam mo iha, tuwing bumibisita ako ditto sa grotto, lagi kong napapansin ang di-pangkaraniwang laki at lapad nang magkadaop na palad ni Mama Mary. Hindi bagay ang kanyang mga kamay sa kanyang katawan. Minsan naitanong ko sa sarili ko – bakit kaya malaki at malapad ang mga kamay ni Maria?”

Napabuntung-hininga ang babae. Bumaling siya kay Laura, at nagpatuloy sa pagsasalita na akala mo’y nakikipag-usap sa isang kaibigan. “Tingnan mo. Napansin mo ba? Bakit sa palagay mo?” ang tanong ng babae kay Laura.

Napilitang tumingin si Laura sa Birhen. Namangha siya. Ngayon lamang niya napansin ang kakatwang laki at lapad ng mga kamay ng Birhen. Bakit hindi niya ito napansin dati ? Dahil ba sa abalang-abala siya sa pagpapakuha ng litrato sa harap ng grotto tuwing bumibisita siya rito ? O marahil, pintasera lang talaga ang babaeng ito.

"Oo nga po," ang malamig na tugon ni Laura.
"Sinasadya man o hindi ng gumawa ang malapad at malaking mga kamay na iyan, okey lang sa akin. Gusto ko ang mga kamay na iyan, " ang mabilis na tugon ng babae.

Hindi interesado si Laura sa mga kamay ng Birhen. At lalong hindi siya interesado sa mga sinasabi ng babae. Akmang aalis siya nang muling magtanong ang babae, “Sa palagay mo iha, bakit malapad at malaki ang mga kamay ni Mama Mary?”

Nayamot si Laura sa babae, kaya’t pabarang siyang sumagot, "Sa palagay ko po, dahil sa kapapalo sa mga taong makasalanan . . . tulad ko." Biglang natigilan si Laura sa sinabi niya tila napahiya sa babaeng kanina pa nakatingin sa Birhen, kaya’t nagtanong siya, “Kayo po, anong palagay ninyo?”

Sa unang pagkakataon, nawalan ng imik ang babae. Tila may malalim na iniisip. Naghari ang katahimikan sa grotto. Ang mga sasakyan sa kalayuan at ihip ng malamig na hangin lamang ang tanging maririnig. Sinusubukan ni Laura na muling tumingin sa Birhen. Hindi siya mapalagay. Nanlalamig siya gayong katanghaliang-tapat.

Isang mainit na kamay ng babae ang sumayad sa kanang balikat ni Laura. Damang-dama ni Laura ang pag-aalala at pagmamahal ng mga kamay na iyon. Naalala niyang bigla ang kanyang ina.

Tigib nang matibay na pananampalataya, nagsalitang muli ang babae, “Lumalaki at lumalapad ang mga kamay ng Inang Maria dahil sa walang sawang pag-akay niya sa mga taong naliligaw ng landas pabalik kay Hesus . . . tulad ko.”

Natulala si Laura, ngunit hindi pa rin niya labis na naunawaan ang mga salitang binitawan ng babae. Muling namayani ang katahimikan – isang katahimikan na unti-unting pumapasok sa magulong puso ni Laura. Napansin niyang nakalimutan niya sandali ang kanyang suliranin. Nakahinga siya nang malalim.

“Sandali lang iha, maiwanan muna kita,” ang sabi ng babae. Magalang na lumapit ang babae sa paanan ng Birhen. Muling umusal ng panalangin at nagtirik ng tatlong puting kandila pagkatapos. Ngunit bago umalis, tinungo ang isang mesang kinalalagyan ng isang lumang notebook sa kanang sulok ng grotto. Naghulog ang babae ng barya sa lalagyan ng abuloy at nagsulat sa notebook. Hindi na napansin ni Laura na kanina pa niya pinagmamasadan ang babaeng hindi man lamang niya naitanong ang pangalan.

“Sige iha, aalis na ako,” ang pamamaalam ng babae, at maliksing bumaba sa hagdanan. Nais pigilan ni Laura ang babae. Nais pa sana niyang makipag-usap dito, ngunit hindi siya masabi, kaya’t minasdan na lamang niyang pababa ang estrangherong kaibigan.

Napagtuunan ng pansin ni Laura ang kayumangging notebook sa ibabaw ng mesa. Lumapit siya sa kuwaderno. Binuklat niya ito at natuksong basahin ang isinulat ng babae:

Dearest Mama Mary,

I love you very much. I hope that someday you will give me a baby. Thanks for the graces and health that you gave me and my husband. Thanks a lot.

Love always,
Aileen


Nangilid ang luha ni Laura. Isang malalim na sundot sa puso ang kanyang naramdaman. Nahiya siya sa kanyang sarili . . . kay Aileen . . . kay Maria . . . sa Diyos!

“Narito ang isang babaeng nangangarap magka-anak! At narito naman ako, nagbabalak magpalaglag !” ang sumbat ni Laura sa sarili.

Tuluyang bumubuhos ang masaganang luha sa kanyang mata, at ang tangi niyang nasabi, "Panginoon, patawarin mo ako."

Napatingin si Laura kay Inang Maria ... sa kanyang maaamong mata . . . sa kanyang malalaki at malalapad na kamay. “Salamat, Mama Mary,” ang kanyang naibulong.

Pakiramdam ni Laura’y hinawakan siya ng Inang Maria nang kanyang malalaki at malalapad na kamay. “Salamat, Mama Mary,” ang kanyang naibulong.

Pakiramdam ni Laura’y tinapik siya sa matagal na pagkakatulog at biglang hinawakan sa pangangapa niya sa kadiliman. Isang malalim na ngiti ang sumilay sa mukha ni Laura. Matagal na rin siyang hindi ngumiti. At ngayon lamang niya lubos na naunawaan kung bakit malaki at malapad ang mga kamay ni Maria. "Tama si Aileen ... tama " si Aileen ... tama siya,” ang kanyang bulong sa sarili.

Nagtirik si Laura ng tatlong kandilang puti : Ang una para kay Aileen, ang ikalawa sa kanyang sarili, at ang ikatlo, sa kanyang magiging anak.

Nanalangin si Laura nang taimtim, “Mama Mary, akayin mo rin ako sa iyong anak na si Hesus. Salamat.”

Isang malalim na kapayapaan at kakaibang tatag ng loob ang naramdaman ni Laura. Pakiramdam niya’y tutuluyang pumasok ang katahimikan at liwanag sa kanyang puso na kanina lamang ay punung-puno ng kaguluhan. At nagulat siya nang mapansin niyang nakakatingin na siya ng tuwid kay Maria.

Hinaplos ni Laura ang kanyang tiyan. Muling ngumiti. At nagpaalam kay Inang Birheng Maria.

Maliksing sinimulan ni Laura ang pagbaba sa grotto. Kakatwa, ngunit ngayon lamang niya nakita ang mga naggagandahang bulaklak na tila nagpupugay kay Maria. Ngayon lamang niya napansin ang malamig na amoy-pinong hangin ng grotto, at pati na rin ang mga batang mapupula ang pisngi na parating nagbebenta kandila sa grotto. Sabik na sabik siyang makarating sa paanan ng hagdanan at makatapak sa lupa. Ibig na niyang bumalik ng Zamboanga. Alam niya ang kanyang gagawin.

Katanghaliang-tapat, damang-dama ni Laura ang init ng haring araw.

- Willy M. Samson,SJ

Panginoon, parang sinasaksak ang puso ko sa tuwing nakakabasa ng balita tungkol sa mga batang ipinalaglag ng kanilang ina... samantalang naririyan ang maraming babaeng nangangarap at karapat-dapat na maging Ina subalit tila iba ang kalooban ng Diyos sa kanila. Panalangin ko, matauhan sana ang mga nagbabalak na pumatay sa kanilang sariling anak sa sinapupunan nila. Mahunus dili po sana sila!

No comments:

Post a Comment