Sunday, January 16, 2011

Ithaca



Sa iyong paglalakbay patungong Ithaca,
Manalangin na ang mahabang paglalakbay,
Ay mapuno ng hamon at karunungan.

...Huwag mangamba sa mga halimaw ng daan,
Ang poot ni Poseidon huwag katakutan.
Di nila hinahamon nangingiming kalaban
At mga nilalang na puno ng kayabangan.

Kaya’t pumanatag sa mahabang paglalakbay.
At manalangin nang marami pang tag-araw,
Upang makadaong sa mga bagong pantalan
ng may kasiyahan at kagalakan.

Maglakad-lakad sa mga pamilihang bayan,
At masayang pumili ng magagandang
ginto, perlas at pabangong humahalimuyak.
Buong sipag na mag-aral sa paaralan ng karanasan,
Upang matuto ng iba’t-ibang karunungan.

Panatilihing buhay ang Ithaca sa iyong isip.
Patuloy na mangarap na ito’y makamit.
Ngunit huminahon at h’wag magmadali
na ito’y kaagad na iyong marating.

At kung sa katandaan, Ithaca’y narating
Lumingon ka’t tingnan muli.
Pagkat marami kang nakamit at narating
sa paglalakbay na di malirip.

Binigyan ka ng Ithaca nang makahulugang paglalakbay
Kung wala siya, hindi ka sana nangahas na tahakin
ang daang mapanganib.

Subalit ngayong nasa Ithaca ka na
wala na siyang maibibigay pa sa iyo.

Kung sakaling matagpuan mo na maralita ang Ithaca
Huwag magalit, maghinagpis o magdamdam.
Hindi ka niya nilinlang o dinaya man lang.

Sa karunungan at karanasang nakamtan
sa mahaba't liko-likong paglalakbay,
Naunawaan mo na ba ang kahulugan ng Ithaca
na iyong pinangarap maabot at mapuntahan?

- Isang malayang salin ni Willy Samson,SJ na tula ni K. P. Kavafis

No comments:

Post a Comment