Wednesday, January 19, 2011

Taguan 2


Minsan sa aking pagka-inis,
Diyos ko’y pinagtaguan ko rin.
At naglunoy sa aking hinagpis.

Ngunit ako ba’y maiinis?
Diyos na ibig kong pagtaguan,
Bihasa sa larong hanapan.

Pung!

Huli ka!
Sabay turo sa akin.
Humahagikgik.
Tila nang-iinis,
Tila naka-lamang
Tila naka-isa.

Alam Niya,
kung saan ako nagkukubli,
At kung saan mahuhuli.

Kaya’t ako’y madaling…
mapikon at matalo,
masukol at sumuko
at sa huli’y tinanggap
na magaling Siyang maghanap.

Ewan ko ba,
Sa larong taguan,
Inis ko’y nawawala,
At napapalitan ng tuwa
Sa tuwing ako’y
Kanyang nakikita.

Kakatwa,
Sa larong taguan,
Dalangin ko,
Agad Niya akong matagpuan.

- Willy M. Samson,SJ

No comments:

Post a Comment