Monday, February 14, 2011

Nasaan na ang mga Bata?


Nasaan na ang mga bata
na naglalaro ng habulan,
patintero’t taguan?

Dati rati, nandito lamang sila
Dati rati, mga lansanga’y
nagkakakulay… nagkakabuhay
dahil sa kanilang sigawan,tawanan,
at paminsan-minsang iyakan
kapag nagkakapikunan.

Nasaan na ang mga bata?
Wala na ba sila?

A…ayun si Nene,
Nakapaa… nanlilimahid
at naglalako ng basahang
malinis pa sa kanyang kasuotan.

Ayun si Totoy,
Ginagalis…amoy pawis
Nakatalunko’t tila nasa langit
‘pagkat rugby ang kapiling.

Ayun si Esto,
Nakahubad…buto’t balat,
kumakatok at nanlilimos
sa mga patay-malisyang sasakyan.

Alam pa kaya nila
ang larong patintero, habulan, at taguan?

Eto na si Nene…pumapagitna sa kalye,
ka-patintero’y humahagibis na dyip
sa pagsusumikap maibenta
mga lantang sampaguita.

Eto na si Totoy…humaharurot sa bilis,
Ka-habula’y sa Akong Intsik
na nanlilisik sa galit
pagkat siopao niya’y inumit.

Eto na si Esto…nagtatago sa likod ng Shakeys
ka-taguan ay mamang pulis
na laging nagpapasyal sa kanya
hindi sa Luneta, kundi sa malamig na selda.

Hindi ko alam
kung laro ito sa kanila,
o ito na ba ang larong-lansangan ngayon?

Hindi ko alam
Kung marunong pa silang maglaro
nang alam kong patintero,habulan,at taguan.

Hindi ko na alam …ewan ko
Kung matatawag ko pa silang bata.

- Willy M. Samson, SJ

No comments:

Post a Comment