Monday, February 14, 2011
Pangarap na Langit
Apat na saranggola, isang araw nangarap;
Nangarap marating, malasutlang ulap.
Si Guryon, Tsapi-tsapi, de-baso’t boka-boka;
Na pawang ginawa ng mga gusgusing bata.
Mga saranggola’y natuwa, nang umihip ang hangin;
Minimithing langit, maari ng liparin.
Kaya’t magkakaibiga’y sumahimpapawid;
Pangarap na langit…sinimulang abutin.
Palibhasa’y malaki’t malakas, itong si Guryon;
Mabilis pumaitaas at isinayaw ng hangin.
Humahurot sa bilis, animo’y may bagwis;
Pangarap na langit… sa isang kisap mata’y narating.
Si De-baso’t Tsapi-tsapi ay tila nainggit;
Sa mabuting kapalara’y kay Guryon ay sumapit;
Kayat mabilis ding, pumaitaas sumagitsit,
Pangarap na langit… ang tanging nasa isip.
Ngunit sa paglipad, biglang nag-unahan;
Kaya’t ang dalawa’y bigla ring nagtulakan.
At sa pag-uunahan, ngitngit ang umiral;
Pangarap na langit … pinagmulan ng inggit.
Si abang Boka-boka, ay nasa lupa pa rin;
Malakas na hangin, di kayang sagupain.
Katawang papel, tumutupi sa hangin,
Pangarap na langit … nanatiling hanggang tingin.
Samantala sa langit, si Guryon ay alumpihit;
Sapagkat sa langit, ay ubod pala ng lamig.
At sa pag-iisa, lungkot ang sumapit;
Pangarap na langit… nagmistulang pangit.
Si Tsapi-tsapi’t De Baso, patuloy sa hidwaan;
Sa maputing alapaap, patuloy ang pag-iiringan.
Sinulid ng buhay, patuloy na nagkikiskisan,
Pangarap na langit … naging mahirap marating.
At sa paglalaban, kapalara’y nagbiro;
Ang sinulid ng dalawa’y sabay pang nalagot.
Kaya’t magkasabay ding, sa lupa’y bumulusok,
Pangarap na langit, … sa isa’t-isa’y ipinagkait.
Si Boka-boka naman, ay nasa lupa pa rin;
Patakbong pinalilipad, ng batang si Peping.
Subalit tumutuping lagi, sa malakas na hangin;
Pangarap na langit… hindi na yata mararating.
Subalit Boka-boka’y nagtataka, sa kanyang nadarama;
Sapagkat kay Peping, siya’y nagbibigay ng tuwa.
Sapat na sa kanya, mga bata’y maligaya;
Pangarap niyang langit… sa lupa nakamit.
Pangarap na Langit
- ni Willy M. Samson,SJ
No comments:
Post a Comment