Tuesday, August 23, 2011
Malasutlang Ulap
Malasutlang ulap,
busilak sa kagandahan,
sa alapaap nagbibigay buhay;
Subalit ang kagandahang dala-dala,
sa mga matang bulag lamang napunta.
Malasutlang ulap,
Bakit wala kang bahid ng pagdaramdam?
Sa likod ng aming sariling pagkukulang,
Bakit di nagsasawang maghasik ng kagandahan,
sa sanlibutang bulag sa tunay na kayamanan?
.
Malasutlang ulap,
Anong meron ka, na wala ako?
Anong naroroon sa iyong kalooban?
At bakit lagi kang handang kulayan ang kalangitan,
ng kagandahang Diyos lamang ang makalalamang?
Malasutlang ulap,
Bakit wala kang bakas ng pagkabagabag?
sa likod ng katotohanan hubad -
na anumang bunga ng ating paghihirap,
bulang maglalaho ang lahat sa paglipas ng araw.
Marahil, alam mo,
at tanggap mo,
na ang
pagsilang at paglisan,
ay bahagi lamang ng pag-ikot ng mundo.
Marahil, alam mo,
ang lahat ng bagay ay lumilipas,
at Diyos lamang ang nagtatagal.
Kaya't ang lahat ng lakas at pawis mo,
buong pusong mong ibinibigay.
Marahil, alam na alam mo,
na ang lahat ng iyong pinagpaguran,
maging ito'y tuldok lamang sa lawak ng santinakpan,
Sa mata ng Diyos na nagmamahal...
ito'y alay natin na kanyang pakaiingatan.
- Fr.Willy M. Samson,SJ
Malasutlang Ulap
(Alay kay G ng Tetuan Parish)
No comments:
Post a Comment