Thursday, September 22, 2011
Ang Mapalad
Tuyo na ang dahon
sa pagsapit ng dapit-hapon,
kung kaya’t sa punong kahoy,
sa ihip ng hangin, agad nahulog.
Ngunit yaring tuyong dahon
sa lupa'y di agad bumulusok,
bagkus isinayaw at idinuyan ito
ng hanging mapanukso't mapaglaro.
Kaya't yaring tuyong dahon,
namayagpag pa sa alapaap;
at sa sarili’y nakalimot
sa pag-aakalang nakalilipad.
Ngunit di rin naglaon,
marahang dinala ng hangin
sa lupang matagal ng tigang
upang dito magwakas ang lahat.
At nasambit ng dahon …
higit na mapalad ang tao,
pagkat nasa kanyang kamay
ang kanyang patutunguhan.
Hindi tulad ko …
na walang wisyo at lakas
upang magsulat at lumikha
ng aking sariliing kinabukasan.
- Ang Mapalad
ni Willy M. Samson,SJ
(Alay kay Milton Medina sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan)
No comments:
Post a Comment