Wednesday, September 28, 2011

Ulan sa Mata


Panginoon,
Uso ang baha sa Maynila.
At may kagalakang makita
na maraming lumabas ng lunga
upang gumawa
ng tulay ng pag-ibig.

Sana laging ganito.
At sana hindi lamang
kapag may baha.

Sana araw-araw
matuto kami
na magbukas ng sarili
at isipin naman ang iba.

Nakalulungkot lang,
Na madalas…
kailangan pa ng sakuna
upang gisingin ang aming diwa.

Sana naman,
di magtapos ang pagdamay namin
sa pagtila ng ulan.

Baka nga dito pa kami dapat
lumabas sa sarili at abutin
mga kapatid naming biktima ng kahirapan
at di lamang ng baha.

Sa Manila, umuulan at bumabaha.
Sa Manila ... umuulan din ng pag-ibig.
dala ng mga Pilipinong nagkakawang-gawa.

Maging ugali namin
na pahirin ang ulan
na tahimik na pumapatak
sa mata ng mga nagdurusa ..

Sana...
may bagyo man o wala...


- Willy M. Samson,SJ

No comments:

Post a Comment