Wednesday, November 16, 2011

Pasalubong sa Diyos


Likas na sa atin
Ang magdala ng pasalubong
Sa tuwing tayo’y pauwi na.

Ayan na si Kuya,
Di magkanda-ugaga
Sa pagdadala ng putong
Hinango pa sa Laguna,
Matikman lamang namin
Sarap ng pinanggalingan.

Ayan na si Nene,
Na halos malagot ang litid
Sa pagbibibit ng kalabasang
Mabibili naman sa palengke,
Subalit iba pa rin sa kanya
Ang kalabasa ng kanyang ama.

Ayan na si Tatay na galing trabaho,
Halos mapaso sa mainit na pandesal
Na binili lamang sa kabilang kanto;
Hindi niya magawang umuwing
Walang anumang bitbit na makakain
Sa pamilya niyang sabik sa pasalubong.

Likas na sa atin ang ugaling magbitbit,
Hindi maka-uwi ng walang kipkip
Mula sa lugar na pinanggalingan;
Sapagkat alam nating may sabik
Na naghihintay sa ating pag-uwi
At umaasang may bitbit na pasalubong.

Ang hindi ko lubos na maisip,
Bakit hindi tayo nangingiming
umuwi at humarap sa Diyos
ng walang bitbit na pasalubong?
Napag-isip mo na ba? Na maging ang Diyos
Ay kailangan ng pasalubong?

Ang Diyos ay naghinhintay din ng ating bitbit,
Ngunit, hindi ng kakaning nauubos o napapanis;
Kundi ng ating mga mabuting gawang inipon
Sa paglipas at paggalaw ng panahon;
Mga pasalubong na pati anghel ay matutuwa
Mga pasalubong sa ating pamamasyal sa lupa.


- Wilfredo M. Samson,SJ
Pasalubong

No comments:

Post a Comment