Monday, January 16, 2012

Ang Bata sa Loob Ko


Noong isang araw lamang
Lumapit ang aking anak,
At nag-ayang makipaglaro
Ng kanyang paboritong laruan.

“Sige na anak, di na ako bata…
Ikaw na lamang ang maglaro
Ng paborito mong laruan.
At panoorin na lamang kita.”

At pinagmasdan ko na lamang
Si bunso sa kanyang paglalaro,
Ng kanyang laruang paborito ko
Noong ako’y bata pa.

Ngunit may bahid ng lungkot
Ang panonood kay bunso,
Sa katotohanan at pagtatanong
“Bakit di na ako marunong maglaro?”

Ngunit hindi lamang paglalaro
Ang naglaho sa akin…
Pati na rin saya’t pag-asa
Na dala-dala ng mga bata.

Sa aking paglaki,
Laruan ko’y nagbago
Laruan ko ngayon…
Mga bagay na makamundo.

Sa aking paglaki,
Buhay ko’y naging kumplikado
Noong bata pa ako …
Kendi lamang maligaya na ako.

Sa aking paglaki,
Buhay ko’y nawalan ng saya.
Pagkat ang pusong dalisay
Hinayaang pagharian ng ingit at galit.

Ano kaya’t subukan ko,
Na makipaglaro kay bunso,
Ng paborito kong laruan
Na matagal nang kinalimutan?

At baka naman sa muling paglalaro,
Matagpuang muli ang bata sa loob ko;
Na matagal ng nais magsaya at maglaro
Subalit nilamon ng mga alalahanin ng mundo.


- Willy M. Samson,SJ
(Ang Bata sa Akin)

2 comments:

  1. hello po! im a new follower... nice to find another zamboanga blogger!! :-) and a priest at that... :-)

    ReplyDelete