Thursday, November 12, 2009

Paalam Lola Pilar


Paalam na Lola Pilar,
Mamahingang kasama ng Maykapal
At hapong katawan sa Diyos ay ihimlay

Paalam na Lola Pilar,
At sa piling ng mga Banal … na tulad mo,
Kaming minahal mo sa mundong ibabaw
Sa Diyos ay laging ipagdasal.

Paalam na Lola Pilar,
Alaala ng pag-big mo
Sa puso nami’y nakatitik,
Upang magsilbing lakas namin
Sa mundong sa hamon ay hitik.

Paalam na Lola Pilar,
Baunin mo ang aming pasasalamat
Sa tahimik mong paggabay
At pagbibigay ng buhay.

Paalam na Lola … at Salamat,
Sa pagbibigay sa amin
nang kayamanan di kilala ng mundo,
kundi ng kayamanang
puso at langit lamang
ang nakakaalam.


- Willy M, Samson,SJ


Tuesday, November 3, 2009

Liwanag at Dilim 3


(Huling Kabanata)

Magsasalita pa sana si Menchie nang lumitaw sa kanyang likuran ang isang humahangos na dalagita. “Ate Menchie! Bakit po?Ano pong nangyari?” ang tanong ni Michelle.
“Wala. Sige na, umuwi na kayo at baka hinahanap na kayo ng inyong mga magulang. Uuwi na rin ako.” ang tugon ni Menchie. Itinago niya ang mugto niyang mga mata.
Naguguluhang lumayo si Jun at Michelle. Nakalimutan ni Jun ang latang tambol.
“Magkita tayo bukas. Sa kapilya,” ang pahabol ni Menchie.

Si Michelle ay isang dalagitang mag-aaral na nasa ikatlong antas sa mataas ng paaralan ng San Ignacio. Bumalik sa alaala ni Menchie ang mga salitang binigkas ni Michelle: “Ate Menchie, gusto ko ring maging professional catechist katulad mo.”
Naputol ang kanyang alaala sa ingay ng isang bankang de motor na dumaan sa kanyang harapan.

Pinagmasdan niya ang buong paligid. Madilim na. Wala na ang pagtatagisan ng liwanag at dilim. Nanaig na nang lubusan ang kadiliman.
Mga liwanag na lamang ng bituin ang tanging naiwan. Tahimik na ang paligid. Wala na ang mga batang nagtatampisaw sa dalampasigan.

Ngunit maliwanag at umuusok ang ilang bahagi ng mga bundok sa Carmen. Dahil sa kaingin. Ganito na rito sa Carmen. Pagpuputol ng puno kinasanayan na rito.

Noong nakaraang linggo, nakatanggap si Menchie ng isang sulat na nagbabanta at nag-uutos na itigil niya ang pangunguna sa mga protesta laban sa mga illegal logging. Noong nakaraang linggo, sinimulan nila ni Kapitan Pedro ang pangangalap ng mga lagda sa bayan ng Carmen na tahasang tumututol sa illegal logging.

Napakagat sa labi si Menchie. “ Bukas, wala na ako rito. Tiyak na matutuwa ang mga illegal loggers.”

Marahan siyang tumayo. Pinagmasdan ang mga along humahampas sa malalapad na sanga nang nakahapay na akasya.
Muling naglalakad si Menchie. Di na siya nagpaalam sa akasya. Ayaw niyang isiping patay na ang akasya.
Bawat hakbang niya’y nag-iiwan ng bakas sa maputing buhangin, ngunit dagliang binubura ng alon.

Pinagmasdan niya ang mga dampang sa kalayuan na idineklarang “state of calamity” ni bagyong Katring. Naibulong niya sa kanyang sarili, “Buti pa si Je-an, nasa United States na... samantalang ako, nasa state of calamity.

Muling tumigil si Menchie sa paglalakad. Tumingala sa langit. At tiningnan ang mga bituin at buwan na tila nakikinig lamang sa kanyang mga hinagpis.

Sinubukang magsalita ni Menchie, “Kaibigang bituin, bukas ng umaga...aalis na ako. Pupunta na ako sa Hongkong upang doon magtrabaho bilang domestic helper. Walang patutunguhan ang buhay ko sa pagiging isang katekista sa bayang ito. Nanlalamig siya sa kanyang nasambit. Ngunit naghihintay siya ng pang-unawa.

“Mga bituin, sana maunawaan ninyo ako.” Muling tumulo ang kanyang luh.

“Katekista... katiista?...martir na dapat sabitan ng medalya? Walang laman lagi ang bulsa. Mahal ko ang bokasyong ito ngunit kailangan ko ring isipin ang aking sarili. Kailangan ko ring mabuhay ng maayos. Tulad ni Je-an,” ang pagbulong ni Menchie.

Ibig sana niyang magbalik sa akasya at doon umiyak, ngunit wala na ang akasya. Wala na siyang iyakan.

Dumilim ang langit. Nawala ang mga bituin. Umihip ang malakas na hangin. At nagsimulang umulan. Tila nakiramay sa kanya ang kalikasan. Napansin ito ni Menchie, kayat daglian niyang pinunasan ang kanyang mata at nagdudumaling binaybay ang daan pauwi.


Madaling araw. Tulog pa ang buong baryo ng Carmen at tumitilaok pa lamang ang mga manok. Mabilis na bumaba ng traysikel si Menchie sa pantalan ng San Agustin na kinadadaungan ng barkong “Salve” na papaluwas ng Maynila.
Nakamaong at nakaputing T-shirt si Menchie. Bitbit niya ang dalawang lumang maleta at isang backpack. Nakayuko ang ulo na hindi mo alam kung nahihiya o may pinagtataguan. Mabilis siyang umakyat sa andamyo ng barko patungo sa upper deck, di upang makakuha ng magandang puwesto sa barko, kundi upang di siya makita ni Michelle, Jun, Franklin at ng iba pang bata na karaniwang naglalako ng kakanin at pasalubong sa mga pasahero. Binigo niya ang mga ito, ang pakiramdam ni Menchie.

Inilapag ni Menchie ang kanyang mga dala-dala sa isang bakanteng teheras sa kanang gilid ng barko na nakaharap sa pantalan. Naupo siya, nagkibit- braso, at nagbuntung-hininga.

Madilim pa rin ang paligid. Sumisikat pa lamang ang araw. Muli na namang naglalaban ang liwanag at dilim. Ngunit nabanaagan na ni Menchie ang buong munisipyo ng San Agustin, pati na rin ang mga nakakalbong bundok ng carmen sa kalayuan.

Pilit nilalagay ni Menchie sa kanyang isip ang kanyang bagong buhay sa Hongkong . Ngunit hindi siya mapalagay. Pakiramdam niya’y naging makasarili siya. Ngunit wala siyang magawa. Kailangan niyang maging praktikal.

Sa loob-loob niya, “ Hindi sana mangyayari ito kung nabigyan lamang kami ng sapat na sahod. Kailangan ko ring intindihin ang aking sarili.” Kinuha niya ang kanyang MP3 at sinubukang lunurin ang isip sa pakikinig.

Ngunit sa kanyang puso, alam niyang hindi niya gusto ang kanyang gagawin. Mahal niya ang mga bata at ang bayan ng Carmen.

Naglalaro pa rin sa kanyang isip ang maayos na buhay ni Je-an...ang Hongkong...ang mukha ng mga bata... si Michelle ... si Jun... si Kapitan Pedro...ang nakakalbong bundok ng Carmen...ang akasya... ang tawag ng Diyos.

Napatingin si Menchie sa sumisikat na araw. Pinagmasdan niyang mabuti ang pagtatagumpay ng liwanag laban sa kadiliman. Biglang lumiwanag ang mukha ni Menchie.

Ngumiti si Menchie. Tiningala niya ang langit. Maaliwalas. Tila nagbabadya ng bagong pag-asa.

Alas-sais ng umaga, mataas na ang araw. Nanaig nang lubusan ang liwanag. Mabagal na tumulak ang barkong Salve patungong Maynila. Lulan ang maraming mamamayan ng Romblon upang makipagsapalaran sa Maynila. Marami pa rin ang naniniwalang napupulot lamang ang ginto sa Maynila.

Alas-sais ng umaga, sa kapilya ng Carmen. Sabay-sabay na nananalangin ng Orasyon ang mga tao. Pinamumunuan ni Jun at Franklin ang pag-awit ng “Aba Ginoong Maria” habang si Michelle naman ang nagtitipa ng gitara.

Alas-sais din ng umaga, sa dalampasigan ng Carmen, isang bayanihan naman ang naganap. Isang grupo ng mga mangingisda ang tulung-tulong na itinayo ang akasyang ibinulid ng bagyong Katring. Umaaasang hindi pa ito patay. Nananalangin ng mabubuhay pa ito.

Bahagi na ng buhay nila ang akasya. Kailangan pa nila ang akasya.


... alay sa mga katekista na di-nangihinawa at patuloy na nagsisilbing liwanag sa kadiliman ng mundo.


- Willy M. Samson,SJ

Sunday, November 1, 2009

Ang Akasya




Isang punong akasya
ang nagkipagkaibigan
sa isang batang paslit.

At sa araw-araw,
ang bata’y naging kapiling niya.
Dahong malalabay ginagawang korona
At nagkunwaring hari ng kalikasan.

Ang batang paslit,
Ay mahilig maglambitin
sa malalabay na sanga.
upang pumitas at kumain
ng bungang taglay.
.
Dito sa Akasya laging naglalaro ang bata.
At kung mapagod katawang malikot,
sa lilim ay laging humimlay.
At minahal ng bata ang puno ...
at ang puno’y maligaya.

Lumipas ang panahon.
At ang bata’y tumanda.
At mabilis nalimtan
akasyang minahal.

Subalit isang araw,
bumalik ang bata sa akasya.
At ang sabi ng puno, “Halika na.
Muling umakyat maglambitin ,
Sa malalabay kong mga sanga,
Magpahinga sa aking lilim,
Busugin ang sarili sa bunga kong taglay.
At maging masaya.”

”Malaki na ako upang maglaro,” ang sabi ng bata,
“Nais ko’y ibang kasiyahan.
Ibig ko’y ginto’t pilak.
Mabibigyan mo ba ako?”

“Ikinalulungkot ko,” ang sabi ng puno,
Malinamnam na prutas lamang ang aking yaman.
Pitasi’t ipagbili sa bayan,
at ang salaping nais, iyong makakamtan.
At ikaw ay sasaya.”

Kaya’t inakyat ng bata ang puno,
mga bunga’y pinitas at sa bayan ibinenta.
At ang puno ay naging maligaya.
Subalit bata’y di na bumalik pa.


Isang araw, muling bumalik ang bata,
at ang akasya’y muling sumaya.
“Halika ... bata. Akyatin mo ako,
magduyan sa aking mga sanga,
at maging maligaya.”
“Abala ako ngayon upang umakyat ng puno,”
ang wika ng bata.

“Nais ko’y asawa’t anak,
kailangan ko ng bahay.
Mabibigyan mo ba ako ng bahay?
“Wala akong bahay,” ang sagot ng puno,
“Subalit putulin mo ang aking mga sanga
at gumawa ka ng bahay,
upang ikaw ay sumaya.”

Kaya’t pinutol ng bata ang mga sanga ng puno,
at nagtayo ng bahay.
At ang akasya ay naging maligaya.
Subalit hindi na bumalik ang bata.
At ang puno ay nalungkot.

Kaya’t nang muling bumalik ang bata,
ang akasya ay natuwa.
“Halika’t maglaro sa aking mga sanga!”

“Matanda na ako at walang nang hilig maglaro, “ang sabi ng bata.
“Nais ko’y bangka upang pumalaot sa malayong lugar.
Mabibigyan mo ba ako ng bangka?”

“Putulin mo ang aking troso at gumawa ng bangka,” ang sabi ng akasya.
Kaya’t pinutol ng bata ang troso,
gumawa ng bangka at pumalaot papalayo.
At ang puno ay naging maligaya ... subalit hindi lubusan.

Sa paglipas ng panahon, muling bumalik ang bata.
“Ikinalulungkot ko” ang sabi ng puno,
“Ako’y wala nang maibibigay pa sa iyo – wala na akong prutas.”
“Wala na akong ngipin upang makakain ng prutas,” ang sabi ng bata.

“Wala na akong sanga,” ang sabi ng puno, “wala ka nang paglalambitinan.”
“Hindi ko na rin kayang mag-alumbitin sa iyong sanga,” ang sabi ng bata.
“Wala na akong troso,” ang sabi ng puno, “wala ka nang aakyatin.”
“Matanda na ako upang umakyat ng puno,” ang sabi ng bata.
“Ikinalulungkot ko,” ang buntung-hininga ng puno.
“Sana mayroon pa akong maaring ibigay sa iyo,
Isang matandang tuod na lamang ako.”

“Ngayon matanda na ako, wala na akong kailangan pa” ang sabi ng bata,
“Isang tahimik na lugar na lamang ang aking hanap
Upang maupo’t magpahinga sa aking katandaan.”
“Kung ganoon ,” ang sabi ng puno. “ang matandang tuod na tulad ko
ay magandang upuan at pahingahan.
Halika, maupo ka’t magpahinga.”
At naupo ang bata.
At ang puno ay naging maligaya


- isang malayang salin ni Fr.Willy Samson
ng kwentong "The Giving Tree"

Thursday, October 1, 2009

Ang Tanging Hiling Mo


Panginoon, sa iyo lamang ang buhay ko,
Batid kong makagagawa ka ng milagro sa buhay ko,
Lalo na sa panahong ito, na naghihirap kaming mga Pilipino
Ang tanging hiling mo...ang limang isda at dalawang tinapay ko,
Ang tanging hiling mo ay ang matapang at mapagtaya kong “Oo”
para sa mga kapatid kong naghihikahos at nanlilimos ng pag-ibig ko.

- Willy M. Samson,SJ

Monday, September 28, 2009

Ondoy



Panginoon, uso ang baha sa Maynila.
At nakatutuwang makita na maraming lumabas
at gumawa ng tulay ng pag-ibig.

Sana laging ganito.
At sana hindi lamang kapag may Ondoy.
Sana araw-araw matuto kaming magbukas ng sarili
at isipin naman ang iba.

Nakalulungkot lang ...
na minsan, kailangan pa si Ondoy
upang gisingin kami.

At sana naman,
di magtapos ang pagdamay kapag wala nang ulan.
Baka nga dito pa ako dapat lalo pang magbigay ng sarili.
Baka nga dito pa mas nangangailagan ng tulong ko...
ang mga kapatid kong lagi na lang biktima
ng baha at iba pang kalamidad...

Sa Manila, umulan at bumaha ng tubig ...
Sa Manila rin ... umuulan ngayon ng pag-ibig.
sa mga Piipinong nagkakawang-gawa.
Upang ang mga luhang pumapatak sa mga mata ng nasalanta
na di na natin nakita, pagkat tinabunan ng ulan at baha ...
ay pahirin na.

... Panginoon... salamat sa mga tumulong.

- Willy M. Samson,SJ

Thursday, September 24, 2009

Liwanag at Dilim 2


Pangarap ni Jean na makapagtapos ng kolehiyo sa Maynila, makapag-abroad, at makapag-asawa ng isang mayamang Amerikano. Sa edad nilang beinte-otso, natupad na ang pangarap niya. Napakapag-asawa si Jean ng isang mabait na Amerikanong mangangalakal, may dalawang anak na sila at kasalukuyang naninirahan sa Los Gatos, California.


Pangarap naman ni Menchie na maging isang titser ng religion. Hindi niya maipaliwanag kung bakit. Basta gusto niya. Ngayon, katekista na siya. Subalit lagi siyang kinagagalitan at pinangangaralan ni Je-an tuwing dumadalaw ito sa Romblon. Naiinis na nagsalita si Jean sa kanya, “Menchie, ano ba ang mapapala mo diyan sa pagtuturo ng religion? Gutom lang ang aabutin mo diyan. At tumatanda ka na rin” Masayang tumugon si Menchie, “ Mahal ko ang mga bata...Mahal ko ang bokasyong ito, at maligaya ako dito’ Ngunit habang nagpapaliwanag si Mercie kay Jean sa sulat, tila naguguluhan na siya sa kanyang sarili. Kaya’t ang sabi na lamang niya sa sulat, “ Love is illogical...period.”


Hindi siya tinatantanan ni Je-an sa pag-aalok na sumunod na sa kanya sa Amerika. “ Let’s be practical. College graduate ka. Mag-office work ka na lamang sa Amerika. I’ll help you. Huwag kang magpaka-martir diyan, Menchie. May itsura ka naman, I am sure makakakita ka rin ng amerikano doon” ang sabi ni Jean.

Naputol ang alaala ni Menchie nang makarinig siya ng isang tunog ng tambol na nanggagaling sa di-kalayuan. Kilala niya ang tunog. Tunog iyon ng tambol ni Jun, ang walong taong-gulang ng bata na may malaking peklat sa mukha - dulot nang masunog ang kanilang bahay noong sanggol pa ito. Muling bumalik sa alaala ni Menchie nang dalawin niya si Jun sa kanilang pawid na bahay. Ayaw pumasok ni Jun noon sa paaralan dahil sa takot na tuksuhin siya ng ibang bata. Ayaw niyang lumabas ng bahay. Ibig na lamang niyang magkulong sa bahay at umiyak.


Ngunit sa araw-araw na pagdalaw ni Menchie sa bahay ni Jun, unti-unti niya itong nahikayat na mag-aral sa paaralan at makipaglaro sa mga bata. Bigla itong nagkahilig sa tambol at natutong mangarap, “Ate Menchie, paglaki ko, gusto kong maging drummer ng banda.”

Naalala niya ang sinabi ni Jun sa kanya, “ Mula ngayon, hindi na ako iiyak kapag tinukso nila akong Jun Peklat. Hindi na ako mahihiya dahil alam kong may Ate Menchie ako sa tabi ko.”

Tumatakbong papalapit si Jun. Bitbit pa rin ang latang tambol.

“Jun, gabi na. Bakit naririto ka pa?” ang kanyang tanong.
“Kasi po, hinahanap ko kayo dahil hindi po kayo nagpunta sa ating Orasyon sa kapilya kanina. May sakit po ba kayo?” ang sagot at tanong ni Jun.

Pilit na ngumiti si Menchie. Niyakap niya si Jun nang mahigpit.
Marahang pumatak ang kanyang luha na kanina pa niya pinipigil.

“Bakit po kayo umiiyak? May umaway po ba sa inyo?ang muling tanong ni Jun na tila naguguluhan sa kanya. Hindi niya alam kung papaano sasabihin sa bata na paalis na siya bukas. Papuntang Amerika. Wala pa naman siyang planong magpa-alam kay Jun at sa mga estudyante niya. Baka hindi ito maintindihan ni Jun.

... itutuloy

- Willy M. Samson,SJ

Liwanag at Dilim


Malamig na naman ang simoy ng hangin sa dalampasigan ng Carmen. Kalulubog pa lamang ng araw, na tila nagmamadali, upang magbigay ng liwanag sa kabilang ibayo ng mundo.

Isang kaluluwa ang marahang binabaybay ang mahabang dalampasigan ng Carmen. Siya si Menchi. Isang babaeng chinita na may edad na dalawampu’t walo ngunit mapagkakamalang beinte anyos dahil sa kanyang batang itsura. Maong at puting T-shirt ang suot niya.

Payapa ang mga alon ngayon, di tulad kagabi nang hampasin ng malalaking alon at malalakas na hangin ng bagyong Katring ang buong baryo ng Carmen. Sa nag-aagaw dilim at liwanag, pinagmasdan niya ang mga batang tuwang-tuwang nagtatampisaw sa tabing-dagat. At sa kalayuan naman, isang pulutong ng kalalakihan at kababaihan ang matiyagang humahatak sa magkabilang dulo ng isang malaking malaking lambat.



“Tiyak ako, wala na namang huli yan" sa loob-loob ni Menchie, “tiyak na makikikain na naman ang sakristang si Franklin sa kumbento ni Fr. Art. Ewan ko ba sa batang iyon, ayaw kumain kapag walang ulam.” Bigla siyang napangiti.

Subalit biglang natigilan si Menchie sa kanyang paglalakad. Napapikit sa kanyang nakita.

“Ang akasya!” ang tangi niyang naibulalas.

Isang malaki’t mayabong na akasya ang tumumba sa dalampasigan. Parang isang sundalong heneral na bumagsak sa gitna ng digmaan. Parang wala ng buhay ito. Bali-bali ang mga malalabay na sanga. At wala na ang dating kakisigan nito. Matagal-tagal ding tinitigan ni Menchie ang akasya bagolumapit at naupo sa isang malapad na sangang humalik na sa lupa.



Nalungkot siya sa sinapit ng malaking puno. Di tulad ng dati, matatag na hinaharap ng akasyang ito ang mga bagyong dumaraan ng Romblon. Hindi na nito nakayanan ang huling bagyo at nagparaya na lamang sa malakas na hanging dala-dala nito.Halos kasabay niyang lumaki ang punong ito.

Biglang sumagi sa kanyang gunita si Je-an, ang matalik niyang kaibigan noong bata pa siya. “ Tiyak na malulungkot si Je-an kapag nalaman niya ang sinapit ng akasya, “ ang nasambit ni Menchie, “ Kilala kami ng akasyang ito. Nakita niya kaming lumaki’t nagdalaga.

Ngayon...wala nang magbibigay ng lilim sa amin...wala nang makikinig sa amin...wala na kaming lugar na iiyakan. Wala na ang akasya.”

Naglaro sa kanyang alaala na sa lilim ng akasyang ito madalas silang maglaro ni Jean ng bahay-bahayan, piko, at Chinese-garter sa umaga. At sa gabi, ang akasya ang nagbabantay kanila...habang nakahiga sa buhanginan...habang sabay nilang tinitingnan ang laksa-laksang bituing nakasabit sa langit. Para sa kanila, mga liwanag ng naggagandahang diwata ang mga bituing ito.



Sa akasyang ito niya hinahanap at natatagpuang umiiyak si Je-an kapag pinalo ito ng kanyang ina dahil sa pagdayo nila ng laro sa mga kalapit-barangay. At sa pagdadalaga, sa akasyang ring ito umiyak si Menchie nang lumuwas ng Maynila ang kanyang kasintahang si George upang doon mag-aral at manirahan. At hindi na bumalik kailanman.

Sumadaling napangiti si Menchie. Naalala niya.

Sa akasyang ito nila binibigkas ni Je-an ang kanila mga pangarap.

... itutuloy

- Willy M. Samson,SJ

Friday, September 18, 2009

Katanghaliang Tapat ... Sa Grotto



Nagpasiya na siya. Buo na ang kanyang loob. Ipalaglag na niya ang bata sa kanyang sinapupunan. Niloko lamang siya ni Raymond. May asawa na pala si Raymond at hindi na ito babalik. Isang malaking kahihiyan lamang ang idudulot ng sanggol at kamumuhian lamang siya ng kanyang mga magulang at mga kapatid. Ito ang laman ng isip ni Laura habang pumapanhik siya sa matarik na sementong hagdanan ng grotto ng Lourdes sa Baguio.

Maong na kupas at itim na T-shirt ang kanyang suot. Matangkad at balingkinitan ang katawan ni Laura. Ang edad niya’y naglalaro sa beinte-tres hanggang beinte-singko. Hindi niya alam kung bakit naisipan niyang pumunta ng grotto. Magpaalam ba siya sa Birheng Maria sa masamang binabalak niya? O hihingi ba siya ng tawad sa kasalanan niyang gagawin, at magbakasakaling maiintindihan siya ng Diyos? O nais lamang niyang makinig ang Birhen sa sinapit niyang malupit na kapalaran?

"Bahala na. Wala nang makapipigil sa akin. Matagal ko nang pinag-isipan ito. Nalilito ako at hindi ko alam ang aking gagawin," sa loob-loob ni Laura, “Ibig ko lang Makita ang grotto.” Dalawang buwan na ang nasa sinapupunan ni Laura. Natatakot siya ngunit wala siyang magawa.

Mabigat ang mga hakbang ni Laura. Halos kinakaladkad niya ang kanyang mga paa at parang wala siyang naririnig, nakikita, at nararamdaman. Hindi man lamang niya napansin ang babaeng bata na kanina pa nagtataka habang nag-aalok ng rosas para sa Birhen. Di man lamang niya inaalintana ang mga batang paslit na kanina pa nangangalabit at nag-aalok ng kandila. Nais lamang ni Laura na makarating sa ituktok ng grotto.

Pawisan at naghahabol ng hininga si Laura nang makarating siya sa ituktok. Katangahaliang tapat. Walang katao-tao sa grotto. Tahimik.

"Mabuti na lang at walang tao, walang makakapansin sa mga mugto kong mata,” sa loob-loob na Laura. Maganda pa rin ang grotto. Napapaligiran ng sari-saring bulaklak na tila nagpapaligsahan ng kagandahan.

Napansin ni Laura na hindi siya makatingin sa Imahen ng Birheng Maria. Ibinaling na lamang niya ang kanyang paningin sa mga kandilang nakatirik at sa mga rosas na masusing inayos sa paanan ng Birhen. Nanlalamig siya gayong katanghalian-tapat. Sinusubukan niyang manalangin ngunit hindi niya magawa. Tumulo ang kanyang luha na tila sumasabay sa pagtulo ng mga kandilang natutunaw sa paanan ng Birhen. “Mama Mary . . .,” ito lamang ang nai-usal ni Laura.

Maya-maya, napansin ni Laura na may tao sa kanyang likuran. Mabilis niyang pinahiran ng ang kanyang mga luha, kaagad dinukot ang itim na rayban sa bulsa ng kanyang maong at isinuot ito. Lumingon si Laura. Isang babae na nasa kuwarenta ang edad ang nakaluhod sa luhurang bakal at taimtim na nananalangin.
Mestisa at makinis ang kutis ng babae. Pagkatapos ng ilang minuto, tumayo ang babae at tumingin sa Birhen. Hindi pa rin makatingin si Laura sa Birhen.

Isang matamis na ngiti ang nabanaagan ni Laura sa mukha ng babae, at nabigla si Laura nang biglang nagsalita ang babae, “Alam mo iha, tuwing bumibisita ako ditto sa grotto, lagi kong napapansin ang di-pangkaraniwang laki at lapad nang magkadaop na palad ni Mama Mary. Hindi bagay ang kanyang mga kamay sa kanyang katawan. Minsan naitanong ko sa sarili ko – bakit kaya malaki at malapad ang mga kamay ni Maria?”

Napabuntung-hininga ang babae. Bumaling siya kay Laura, at nagpatuloy sa pagsasalita na akala mo’y nakikipag-usap sa isang kaibigan. “Tingnan mo. Napansin mo ba? Bakit sa palagay mo?” ang tanong ng babae kay Laura.

Napilitang tumingin si Laura sa Birhen. Namangha siya. Ngayon lamang niya napansin ang kakatwang laki at lapad ng mga kamay ng Birhen. Bakit hindi niya ito napansin dati ? Dahil ba sa abalang-abala siya sa pagpapakuha ng litrato sa harap ng grotto tuwing bumibisita siya rito ? O marahil, pintasera lang talaga ang babaeng ito.

"Oo nga po," ang malamig na tugon ni Laura.
"Sinasadya man o hindi ng gumawa ang malapad at malaking mga kamay na iyan, okey lang sa akin. Gusto ko ang mga kamay na iyan, " ang mabilis na tugon ng babae.

Hindi interesado si Laura sa mga kamay ng Birhen. At lalong hindi siya interesado sa mga sinasabi ng babae. Akmang aalis siya nang muling magtanong ang babae, “Sa palagay mo iha, bakit malapad at malaki ang mga kamay ni Mama Mary?”

Nayamot si Laura sa babae, kaya’t pabarang siyang sumagot, "Sa palagay ko po, dahil sa kapapalo sa mga taong makasalanan . . . tulad ko." Biglang natigilan si Laura sa sinabi niya tila napahiya sa babaeng kanina pa nakatingin sa Birhen, kaya’t nagtanong siya, “Kayo po, anong palagay ninyo?”

Sa unang pagkakataon, nawalan ng imik ang babae. Tila may malalim na iniisip. Naghari ang katahimikan sa grotto. Ang mga sasakyan sa kalayuan at ihip ng malamig na hangin lamang ang tanging maririnig. Sinusubukan ni Laura na muling tumingin sa Birhen. Hindi siya mapalagay. Nanlalamig siya gayong katanghaliang-tapat.

Isang mainit na kamay ng babae ang sumayad sa kanang balikat ni Laura. Damang-dama ni Laura ang pag-aalala at pagmamahal ng mga kamay na iyon. Naalala niyang bigla ang kanyang ina.

Tigib nang matibay na pananampalataya, nagsalitang muli ang babae, “Lumalaki at lumalapad ang mga kamay ng Inang Maria dahil sa walang sawang pag-akay niya sa mga taong naliligaw ng landas pabalik kay Hesus . . . tulad ko.”

Natulala si Laura, ngunit hindi pa rin niya labis na naunawaan ang mga salitang binitawan ng babae. Muling namayani ang katahimikan – isang katahimikan na unti-unting pumapasok sa magulong puso ni Laura. Napansin niyang nakalimutan niya sandali ang kanyang suliranin. Nakahinga siya nang malalim.

“Sandali lang iha, maiwanan muna kita,” ang sabi ng babae. Magalang na lumapit ang babae sa paanan ng Birhen. Muling umusal ng panalangin at nagtirik ng tatlong puting kandila pagkatapos. Ngunit bago umalis, tinungo ang isang mesang kinalalagyan ng isang lumang notebook sa kanang sulok ng grotto. Naghulog ang babae ng barya sa lalagyan ng abuloy at nagsulat sa notebook. Hindi na napansin ni Laura na kanina pa niya pinagmamasadan ang babaeng hindi man lamang niya naitanong ang pangalan.

“Sige iha, aalis na ako,” ang pamamaalam ng babae, at maliksing bumaba sa hagdanan. Nais pigilan ni Laura ang babae. Nais pa sana niyang makipag-usap dito, ngunit hindi siya masabi, kaya’t minasdan na lamang niyang pababa ang estrangherong kaibigan.

Napagtuunan ng pansin ni Laura ang kayumangging notebook sa ibabaw ng mesa. Lumapit siya sa kuwaderno. Binuklat niya ito at natuksong basahin ang isinulat ng babae:

Dearest Mama Mary,

I love you very much. I hope that someday you will give me a baby. Thanks for the graces and health that you gave me and my husband. Thanks a lot.

Love always,
Aileen


Nangilid ang luha ni Laura. Isang malalim na sundot sa puso ang kanyang naramdaman. Nahiya siya sa kanyang sarili . . . kay Aileen . . . kay Maria . . . sa Diyos!

“Narito ang isang babaeng nangangarap magka-anak! At narito naman ako, nagbabalak magpalaglag !” ang sumbat ni Laura sa sarili.

Tuluyang bumubuhos ang masaganang luha sa kanyang mata, at ang tangi niyang nasabi, "Panginoon, patawarin mo ako."

Napatingin si Laura kay Inang Maria ... sa kanyang maaamong mata . . . sa kanyang malalaki at malalapad na kamay. “Salamat, Mama Mary,” ang kanyang naibulong.

Pakiramdam ni Laura’y hinawakan siya ng Inang Maria nang kanyang malalaki at malalapad na kamay. “Salamat, Mama Mary,” ang kanyang naibulong.

Pakiramdam ni Laura’y tinapik siya sa matagal na pagkakatulog at biglang hinawakan sa pangangapa niya sa kadiliman. Isang malalim na ngiti ang sumilay sa mukha ni Laura. Matagal na rin siyang hindi ngumiti. At ngayon lamang niya lubos na naunawaan kung bakit malaki at malapad ang mga kamay ni Maria. "Tama si Aileen ... tama " si Aileen ... tama siya,” ang kanyang bulong sa sarili.

Nagtirik si Laura ng tatlong kandilang puti : Ang una para kay Aileen, ang ikalawa sa kanyang sarili, at ang ikatlo, sa kanyang magiging anak.

Nanalangin si Laura nang taimtim, “Mama Mary, akayin mo rin ako sa iyong anak na si Hesus. Salamat.”

Isang malalim na kapayapaan at kakaibang tatag ng loob ang naramdaman ni Laura. Pakiramdam niya’y tutuluyang pumasok ang katahimikan at liwanag sa kanyang puso na kanina lamang ay punung-puno ng kaguluhan. At nagulat siya nang mapansin niyang nakakatingin na siya ng tuwid kay Maria.

Hinaplos ni Laura ang kanyang tiyan. Muling ngumiti. At nagpaalam kay Inang Birheng Maria.

Maliksing sinimulan ni Laura ang pagbaba sa grotto. Kakatwa, ngunit ngayon lamang niya nakita ang mga naggagandahang bulaklak na tila nagpupugay kay Maria. Ngayon lamang niya napansin ang malamig na amoy-pinong hangin ng grotto, at pati na rin ang mga batang mapupula ang pisngi na parating nagbebenta kandila sa grotto. Sabik na sabik siyang makarating sa paanan ng hagdanan at makatapak sa lupa. Ibig na niyang bumalik ng Zamboanga. Alam niya ang kanyang gagawin.

Katanghaliang-tapat, damang-dama ni Laura ang init ng haring araw.

- Willy M. Samson,SJ

Panginoon, parang sinasaksak ang puso ko sa tuwing nakakabasa ng balita tungkol sa mga batang ipinalaglag ng kanilang ina... samantalang naririyan ang maraming babaeng nangangarap at karapat-dapat na maging Ina subalit tila iba ang kalooban ng Diyos sa kanila. Panalangin ko, matauhan sana ang mga nagbabalak na pumatay sa kanilang sariling anak sa sinapupunan nila. Mahunus dili po sana sila!

Wednesday, September 16, 2009

Ako...Pari?


“Wanted, Bagong Kristo, “ito ang mga salitang nilalaman ng isang poster ng mga Heswita na aking nabasa sa Pamantasan ng Santo Tomas. Naaliw ako. Napa-isip. “Ako? Bagong Kristo? Ako...magpapari?” Tinawanan ko lang ito. At sa loob-loob ko, “ayoko, hindi pwede...malabo.” May pangarap yata akong maging isang inhinyero, magkaroon ng sariling bahay at kotse, at magkaroon ng asawa’t anak na aking mamahalin habang-buhay. Simpleng pangarap ng isang karaniwang binata.

Ngunit ewan ko ba kung bakit ganito ang Diyos, kapag kinalabit at tinatawag ka Niya, hindi ka na mapapalagay...para bang may apoy ang aking puwit. Mayroon Siyang kakaibang panghalina o gayumang napakahirap baliwalain at takasan. Pakiramdam ko, nabiktima ako...at nagpabiktima naman ako. Pagkatapos kong mabasa ang poster, isang katanungan ang biglang bumagabag sa akin, “Tinatawag ba talaga ako ng Diyos sa pagpapari?” Hindi na ako mapakali pagkatapos nito subalit buong tapang kong hinarap ang tanong na ito.

Sinubukan kong tingnan ang kapalaran ko sa Kapisanan ni Hesus. Taong 1986 nang dumalo ako sa “vocation seminar” ng mga Heswita. Nahalina ako. Nais ko pumasok kaagad sa seminaryo, subalit naunahan nang malaking takot. Ito na nga ba? Paano kung hindi ito? Paano na ang aking buhay? Ang aking mga pangarap?

Ngunit ewan ko ba, sa likod ng mga takot at kawalang-katiyakan, minarapat ko pa ring pumasok sa Kapisanan ni Hesus. Iniwan ko ang aking mga pangarap sa buhay. At inangkin ang mga pangarap ng Diyos bilang aking mga pangarap. Marahil, ganito talaga ang umiibig, handang iwanan ang anumang bagay makamtan lang ang pag-ibig ng minamahal. Noon ko lamang naunawaan si Balagtas nang sabihin niya, “ O pag-ibig na makapangyarihan, kapag ikaw ang pumasok sa puso ninuman, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.”

Subalit tulad ng dalawang nag-iibigan, dumarating sa isang punto ng kanilang pag-iibigan na matatapos din ang ligawan, ang pulot-gata, at ang kaligayan. Dumarating din sa aking buhay- Heswita o pagpapari ang kalungkutang dulot ng pag-iisa, ang kapaguran dulot na paulit-ulit na gawain, at ang tila kawalang-kahulugan ng mga bagay. Subalit...ewan ko...baliw na ata ako...sapagkat sa likod ng kahirapan, kakaibang kaligayan at kapayapaan ang aking nararamdaman.

Punung-puno ng kabalintunaan ang buhay-pagpapari. Marami akong kasama at kaibigan subalit nag-iisa ako. Nag-iisa ako, subalit marami akong kasama. Ang buhay ko’y mahirap, subalit masarap. Sabi nila, masarap daw ang buhay ko subalit mahirap. Nakababaliw talaga! Subalit sa likod ng mga kabalintunaang ito, buhay na buhay pa rin ang aking pagnanasang yakapin ang ganitong uri ng buhay.

Alam kong hindi mawawala ang kirot ng pagka-inggit at panghihinayang tuwing makakakita ako ng makasintahang nagsusuyuan. Tumitibok pa rin ang aking puso, marunong pa ring itong mabighani at umibig sa isang kaakit-akit na binibini. Naririyan pa rin ang paminsan-minsan pagka-inggit tuwing nagkakaroon ng sariling bahay at kotse ang aking mga kaibigan sa high school. At natutulala pa rin ako...kapag nagkakaroon ng bagong anak ang aking mga kaibigan.

Ngunit sa likod ng lahat, batid kong hindi ko tinatakasan ang mundo, bagkus hinaharap ko ang mundo nang tumugon ako sa tawag ng Diyos. Nakapagtataka na ito pa rin ang aking pipiliing buhay kung bibigyan uli ako ng isa pang buhay. Baliw talaga!

Ang pag-ibig ng Diyos at ang pangakong sasabayan niya ako sa aking buhay-paglilingkod ang tanging nagbibigay lakas sa akin. Isang tapik sa balikat na magpatuloy, kahit tila hindi malinaw ang kinabukasan, sapagkat patuloy niyang sinasabi sa akin, “ Huwag kang matakot, ako ang bahala sa iyo.” Ito ang nagbibigay sa akin ng di-malirip na kapayapaan sa likod ng iba’t-ibang mukha ng buhay relihiyoso.

Alam ko, natagpuan ko na ang aking perlas...ang aking kayamanan. Tumugon ako. At hindi ako nagkamali.

- Willy M. Samson, S.J



Isang pagbati sa mga bagong diakono ng Kapisanan ni Hesus...

Naririyan Kang Lagi


Hayan ka na naman,
kinikilig ... bumubulong
pagkat ang Ina at Ama mo
pinagtaguan mo sa templo.

Hayan ka na naman,
ngumingiti ... bumubungisngis,
sa mga kaibigang kalaro
ng habulan at patintero.

Hayan ka na naman,
nagbibiro ... nangungulit,
sa ama mong karpintero
na nagturo sa iyong humawak
ng martilyo’t pako

Hayan ka na naman,
naglalambing ... nagsusumbong,
kay Amang Jose’t Inang Maria
na nagturo sa iyong magmahal
at magtiwala sa Maykapal.

Hayan ka na naman,
nagtatanong ... naghahagilap
sa mapagtagong kalooban ng Diyos
at katanungan ng buhay.

Hayan ka naman,
Nagpapatawad …nagpapagaling
Sa mga taong may malamig na puso
At bingi, lumpo, paralitiko’t tuliro.

Hayan ka naman,
Bumubuhay … nakikiramay
Sa mga Lazaro ng aming lipunan
At mga kapatid kong mugto na ang mga mata
Sa walang humpay na pagdadalamhati.

Hayan ka naman,
Nagpapalakas … naghahamon
Habang ika’y nakabayubay sa krus
Nagawa mo pang sagipin ang mga magnanakaw
At aliwin ang iyong Inang lugmok na sa pagtangis.

Sa tuwing naririyan ka
at aming laging kasama,
pakiramdam namin...
langit ang aming kapiling,

Pagkat tulad mo’y
bituing hulog ng langit
na laging naririyan –
nagdudulot ng aliw,
upang kaming
mga kaibigan mo
ay patuloy at palaging
mahalin.


- Wilfredo M. Samson,SJ


Tuesday, September 15, 2009

Naririyan Siya


Isang umaga,
Sa nakagawiang lugar…
Ang pagsikat ng araw
di ko nasilayan.

Subalit ...
alam ko,
Alam kong naririyan siya,
Na nagkukubli lamang
sa likod ng malasutlang ulap.

Kaya’t alam ko
Hindi siya nawawala;
Alam ko ... anumang sandali
Siya’ y muling magpapakita!


- Wilfredo M. Samson,SJ




(kuha sa Sofitel Hotel, Manila Bay)

Thursday, September 10, 2009

Ang Mabuting Balita Ayon sa Iyo


Binasa’t hinangaan ang Mabuting balita,
Ni Markos, Mateo, Lukas at Juan.
Taglay nito’y pag-ibig na nagbibigay saysay,
Sa mga naghahanap ng kahulugan ng buhay.

Subalit ano kaya ang nakikita nila,
Sa Mabuting Balita na ‘yong ginagawa?

Ika’y kumakatha ng Mabuting Balita,
Mabuting balita ng ‘yong pananampalataya.
Sa salita’t gawa, sinusulat mo Siya,
Sa salita’t gawa, binubuhay mo Siya.

Ika’y kumakatha ng Mabuting Balita,
Mabuting balita ng iyong pagtataya.
Tiyaking kabutihan tanging isinusulat
Tiyaking Diyos lamang ang masisilayan.

Sapagkat ang tanging balita
Na babasahin ng iba ay …
ang Mabuting Balita
na kinatha
ng iyong salita
at gawa..



- Wilfredo M. Samson,SJ
(isang malayang salin ng “The Goodnews According to You”)

Monday, September 7, 2009

Maria, Ina ng Pag-Asa


Panalangin sa ating Ina

O Maria, Ina ng Kahinahunan
Buksan ang iyong pusong busilak
Upang maging tahanan ng kapayapaan
sa mga naghahanap ng dalisay na pagmamahal.

Sa aming pagdulog, nawa’y iyong tanggapin,
Dala-dala’y pag-asa’t pangarap…
Dala-dala’y kahinaa’t sugat.

Turuan kaming maglakbay ng may kahinahunan,
Sa patuloy paghahagilap ng Kanyang pag-ibig at kalooban,
Nananalig at umaasa sa mapakalingang kamay ng Maykapal
Sa likod ng aming abang kalagayan.

Pagyamanin binhi ng pananampalataya’t pag-asa
At marahang itanim sa puso ng bawat nilalang.
Tulungang lumago kapayapaan sa aming puso,
Nang aming makita, sa mata ng pananampalataya,
Mga biyayang kaloob ng buhay, pag-ibig at kaligayahan.
Na pangako ng Diyos sa mundong kinalaglagyan.
Habang hinihintay, lubos na kaganapan
Sa walang-hanggan kaluwalhatian.

O Ina ng Nananahang Puso,
Dalhin sa mundong basag at walang-katiyakan
Ang kagalingang handog ni Hesus.
Turuang buksan ang aming kalooban
sa Mapagkalingang Puso ng Maykapal,
Upang sa wakas kami’y maging daan
ng Kanyang awa at kapayapaan.

O Inang Maria, iyong dingin …
Mapagkumbabang dalangin,
Dalhin aming pananalangin
Kay Hesus na nagmamahal sa amin.

Amen.


(Ang Larawan sa Taas ay kuha sa Fort Pilar, Zamboanga City)
Ang tulang ito ay isang malayang salin ng "Mary, Mother of Hope

Sunday, September 6, 2009

Kalayaan sa Bilangguan 3


Isang araw, habang nagmimisa ako sa Kapilya ng Camp Sampaguita, kitang-kita ng dalawa kong mata ang isang surot! Mabilis na gumagapang sa aking puting sutana, paakyat sa aking balikat! Natakot ako! Nadiri! Subalit sutana ko’y hindi ko maipagpag sa gitna ng Misa. O sa harapan ni Ma’am Rexy at ng mga bilanggo na taimtim na nananalangin! Nawala sa Misa ang aking isip, at sa surot napunta. “Saan na kaya nagsuot ang surot na iyon?” tanong ko sa sarili. Ayoko ng surot, hayok ito sa dugo. Traydor. Mabaho. Maitim. At karimarimarim! Hindi ko na alam kung saang singit ito nagtago. Hinintay ko na lamang kagatin ako at sipsipin ang aking dugo. Subalit wala, hanggang natapos ang misa, hangang nakauwi ako sa bahay.

Sa isip-isip ko, baka naman nais lamang ng surot na maki-angkas ng libre papalabas sa bilanguan? Patungo sa malayang lipunan, patungo sa kalayaan !

Sa mata ng lipunan, surot ang turing sa isang bilanggo. Sumisipsip ng dugo, ganid, maitim, mabaho at traydor. Dapat lang tirisin. Dapat lang kainisan. Dapat lang bitayin o bulukin sa loob ng bilangguan. Siguro ito ang papel ko sa bilibid : pa-angkasin ang mga bilanggo sa pag-ibig at awa ng Diyos na dala-dala ko, upang makalaya sila sa madilim nilang nakaraan at magbagong-buhay.

Tulad ng surot na aking nakita sa aking balikat, nais lamang makipagkaibigan ng mga bilanggo sa akin. At wala silang balak ng mangagat at sipsipin ang aking dugo. Iginalang nila ang mga taong-laya na tulad ko, na maari nilang sakyan, angkasan, at pagtaguan upang ang kalayaan sa kasamaan at pagbabago ay makamtan. Sa ganang akin, pwede pa ring mahalin ang mga surot ng lipunan.

Kung titingnan mo naman ang ugali ng isang bilanggo, mahirap talaga silang mahalin. Iba’t –iba ang ugali may palahingi, may pala-utang, pusong mamon, tamporista, sipsip, sabik sa biyaya, feeling gwapo, may manloloko, may pailalim kung tumira, at may baltik minsan. Ilan lamang ito sa iba’t-ibang bihis ugali ng mga bilanggo. Hindi ba nakakainis?

Subalit kapag nakausap mo sila, katulad mo, taung-tao sila! Tulad nating mga taong-laya… puno rin ang mga bilanggo ng takot, pangamba, pagkaduwag, hinanakit at kawalan ng pag-asa. Subalit mayroon din silang pangarap, marunong umasa at may takot sa Diyos. At higit sa lahat, takot din silang mag-isa. Nangangailangan din sila ng pagdamay mula sa isang kaibigan.

Subukan mong mag-almusal kasama sila. Naki-agaw sa paulit-ulit na sardinas na aming ulam. Nakipaglaro ng chess, dama at scrable. Pinagkatiwalaan. Kinaibigan. Natulog sa kanilang selda. Maki-panalangin. At Pinatawad ang paminsan-minsang baltik ng kanilang isip. At makikita mo, tama pa rin si Tita Glo, maaring mahalin ang mga bilanggo.

Isang araw, isang bilanggo ng death row ang lumapit sa akin. Nagpasalamat sa aking tiyaga sa kanilang mga latak ng lipunan. Nagulat na lang ako sa kanyang sinambit, “Alam mo Padre, karamihan sa amin, wala namang pagnanasa pang magbago pa, pero nang malaman namin na may taong naniniwala sa amin na maari kaming magbago, napapahiya kami...at doon kami nagsisimulang magbagong buhay.”

Ngiti sa aking mukha’y bumabalik sa tuwing makikita ko ang mga bilanggong nakasuot ng polo barong sa misa at kagalang-galang tingnan (buti na lang at nakasutana ako nagmimistula akong driver sa harapan nila.) sa tuwing umaawit at sumasayaw ng buong kisig sa saliw ng awiting “Kalesa,” sa tuwing napapanood ko sila sa telebisyon na nagtapos ng komersiyo sa loob, sa tuwing nakikita ko ang isang juvenille na tahimik na nagtitipa ng gitara sa loob ng misa, sa tuwing nakikita ko silang nagpapaligo ng kapwa bilanggong may karamdaman sa NBP Hospital, o nagtuturo ng aralin sa education section at nang iba’t ibang sining at handicraft. Sa tuwing nakarinig ako ng isang bilanggong nakapagpatapos ng kanyang anak sa pagbebenta ng banana-Q sa loob ng bilangguan.

Sa tuwing nakakakita ako ng kaunting pagbabago, nangingiti na ako.

Sa bilangguan, naririyan lagi ang tagisan ng pagkabigo at tagumpay, pagka-alipin at paglaya, kawalan at pag-asa, paglubog at paglitaw, dilim at liwanag, pag-ngiwi at pag-ngiti. Lahat ng ito’y nagbibigay buhay sa makulay na buhay sa bilangguan.

Mali si Tita Glo. Ngiti ko’y hindi napawi. Bakit ako ngingiwi, kung alam kong ngingiti rin ako sa banding huli.


- ni Willy M. Samson,SJ

(Ang larawan sa taas ay ang mga volunteers ng Philippine Jesuit Prison Service, kasama ang director na si Fr.Jonjee Sumpaico,SJ. Ang larawan ay kuha sa loob ng kapilya ng Minimum Compound. Ang kapilyang ito ay galing sa mga kaibigan na nag-ambag ng materyales at pinansiyal na tulong. Muli, maraming salamat sa lahat. Mayroon ng dalanginan ay mga surot ng lipunan na natuto kong mahalin)

Kalayaan sa Bilangguan 2




Kaya ba ninyong magsuntukan sa harapan ng isang pari? Kayang-kaya ito ng mga bilanggo! Isang araw sa harap ko mismo, biglang nagsuntukan ang dalawang bilanggo. Okay lang sana kung malalim ang dahilan, Yung tipo bang, may papatay sa pari. Hindi eh! Ang babaw! Pinag-awayan lamang nila kung sino ang may karapatang sumundo at maghatid ng pari sa gate.

Kamakailan lang, dalawang bilanggo uli ang nag-away, hindi dahil sa pari kundi dahil sa piso! Hindi ko na alam kung anong mayroon ang pari at piso para ipaglaban nang suntukan! Minsan para silang mga batang ang sarap pingutin sa tenga o pagkukurutin sa singit. Ang sarap pag welgahan! Mag walkout kaya ako?

Ewan ko ba, kung anong pumasok sa aking kokote at sinubukan ko nga! Habang nagsusuntukan ang dalawang bilanggo, binitbit ko ang aking payong at mabilis akong umalis. Sabi ko sa sarili ko, “Bahala na kayo diyan. Iwan ko nga ang mga kumag na ito.” Umalis akong dala-dala ang lahat ng aking pagkainis at pagkadismaya sa mga bilanggo, sa sitwasyon, at sa aking sarili bigo na baguhin sila. Ngunit sa aking kalooban, may pag-aaway ring naganap. “babalik ba ako para magmisa o tuluyang mag walk-out upang turuan ng aral ang mga kumag na ito?” Sa inis ko “kumag” na ang tawag ko sa kanila.

Tulad ng aking inaasahan, isang katerbang mga bilanggo ang nagsunurang parang buntot o anino ko. Nagmamaka-awa na bumalik ako at magmisa. “Bakit pa?,” ang padabog na sabi ko. “kung akong pari ay hindi ninyo kayang galangin, sino pa ang gagalangin ninyo?” napansin kong hindi na ako ngumingiti. Nag lahong parang bula. Tama talaga si Tita Glo.

Subalit kahit na kasing tigas ng bakal ang akong puso, bigla itong naging “pusong mamon” nang sabihin sa akin na isang juvenile na bilanggo, “Father, akala ko ba, walang iwanan?” parang kinurot ang aking puso. Para akong binatukan. At ang mga kumag, marunong ding magpakunsensiya!

Oo nga naman! Naalala kong bigla ang mga VISO (mga bilanggong matanda at walang bisita) na walang kamuwang-muwang sa nang-yayari, at naghihintay lamang ng Misa. Ang Banal na Misa lamang ang kanilang “bintana ng langit.” Napaisip ako. “Oo nga pala, paano na sila ?” ang sabi ko sa sarili ko, “Hindi ako ang kanilang kailangan, kundi ang Diyos na aking dinadala sa kanila.’’ Natauhan ako. Nahimasmasan. Namalikmata. At nagkapuso!

Kaunting biyaya ng kabanalan ba’y ipagkait ko pa sa mga nilalang na ito na salat na salat nito? Salat ng nga sila sa pagkain, sasalitin ko pa ba sila sa Diyos ? Ang mga makasalanan nga pala ang dahilan nang pagparito ni Hesus sa mundo. At ito rin ang dahilan kung bakit ako naririto-para sa mga may baltik na preso, at di para sa mga taong banal. Para akong lumaya sa aking makitid at nakakulong na pag-iisip. Bumalik akong muli. Nilamon ko ang aking makitid at nakakulong na pag-iisip. Nilamon ko ang aking drama. Ngumiti. At nagmisa ako.

Sa bilibid, bilanggong kaisipan ko ang unti-unting pinalaya. Makasariling uri ng paglilingkod at pagmamahal ang dahan-dahang ninakaw ng mga bilanggo at pinapalitan nang wagas na paglilingkod.

Itutuloy ...

Saturday, September 5, 2009

Kalayaan sa Bilangguan


Isang taon na rin pala ako sa Bilibid. Isang taon na rin akong pari. Kay bilis ng panahon. Sumaging bigla sa aking gunita ang mga sinabi ni Tita Glo (isang 78 anyos at retiradong empleyado ng Bureau of Prisons, na ngayo’y Bureau of Corrections na) noong unang araw ko sa Philippine Jesuit Prison Service. “Naku, tingnan ko lang kung hindi mawala ang mga ngiti mo dito sa Bilibid.” Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa sinabi niya.

Nanlamig ang aking kalamnan. Biglang bumalik ang aking kaba na naramdaman nang malaman ko noong aking ordinasyon na sa Bilibid ang aking unang misyon. Sabi ko sa sarili, “Hindi naman siguro.” Hindi ko na narinig ang karugtong na sinabi ni Tita Glo, “But don’t worry, you will enjoy your stay here. The inmates are also lovable.”

Ang tanging naglalaro sa isipan ko noon, bakit dito ako dinala? Anong kasalanan ko? Para akong ibinilanggo. Subalit bahagi ng Buhay-Heswita ang tumalima sa kalooban ng Diyos. Kaya’t pikit-mata kong nilundag ang Bilibid sa paniniwalang hindi ako pababayaan ng Diyos.

Nagdilang-anghel ba o nagdilang-demonyo si Tita Glo? Nagkatotoo ang kanyang sinabi. Hindi lang pala ngiti ang maaring maglaho dito sa bilibid, kundi ang aking bait, katinuan at ulirat! Minsan, hindi ko maiwasang mainis, magalit, manlupaypay, mawalan ng gana, at pag-asa sa mga bilanggo. Pagkatapos mong maglaan ng oras at ibuhos ang iyong isip, puso, at kaluluwa sa kanila. Matutuwa ka naman makakasilip ka sa kanila ng kaunting pagbabago. May pag-asa! ang wika ko sa aking sarili.

Subalit malingat ka lamang, para na silang mga aso’t pusa! Para kang laging nagtatayo ng kastilyong buhangin sa dalampasigan, o isang pulis-trapikong inis na inis, na pagkatapos iwanan sandali ang maayos na trapiko sa kanto upang uminom ng kape sandali, babalikang mong gulung-gulo at buhul-buhol na naman ang trapiko. Nakaka-inis yan di ba? Paulit-ulit ito. Parang sakit. Lagi at laging nagugulo, may gugulo, may bagong panggulo sa pinaghirapang kaayusan sa bilangguan.

Subalit hindi ko hinayaang mawala ang aking ngiti at maging ngiwi. Napansin ko na lang…gusto ko ang aking ginagawa, na maging taga-ayos ng gulo at magdala ng kaayusan, katinuan, unawa sa bilangguan. Kahit na alam kong baka panandalihan lamang ang kaayusan. Pakiramdam ko, hindi na ito galing sa akin. Ito ata yung tinatawag nilang biyaya ng Diyos o "Grace of office" na tinatawag.

Ewan ko ba kung bakit ako nagtitiyaga sa ganitong kalagayan. Alam ko namang masasaktan lamang ako sa pagbibigay ng aking sarili sa mga tinaguriang “latak o kanser ng lipunan.” Pero heto pa rin ako hindi na nadala, tuwing umaga, sa pagputok ng bagong araw, handa na namang tunguhin ang mala-higanteng pintuan ng Maximum compound upang mag-almusal kasama ang mga bilanggo. Handa na namang makipag-sapalaran ...handa na namang mabigo at masaktan.

... itutuloy

Friday, September 4, 2009

Ang Bituin



Kagabi lamang, sa aking paglalakad pauwi,
Ako'y napatingala sa kalangitan.
Bigla akong natulala,nagulat at natuwa sa aking nakita.
Nalimutan ko. Nariyan nga pala ang mga bituin.
Na tahimik na nagbibigay rikit, sa gabing sakdal na ng ganda.


- Willy M. Samson,SJ
September 3, 2009

Thursday, September 3, 2009

The Firefly who Dared to be Different



(a bedtime story for the kids during rainy nights..."

One cold rainy night, in the middle of San Marcelino forest, a firefly named “Lumen” was braving the gusty wind and rain, flying towards Homer, a big rubber tree. With his fellow fireflies, their job was to light up big Homer. But that night, Lumen was alone.

When Lumen arrived at the rubber tree, Homer was surprised to see Lumen alone.

“Where are the other fireflies?” Homer asked. “Are they coming to provide light for me in this rainy night?”

“Oh, I’m really sorry. The other fireflies have decided to stay home until the rain stops.” Lumen answered.

“Then why are you here?” Homer wondered.

Lumen replied, “I’m a firefly. It is my duty to light you up during the night. I cannot leave you alone in this dreary rainy night. I don’t care if I’m alone tonight.”

Homer was touched, but the other trees in the forest laughed and ridiculed Lumen: “Can a small firefly like you provide enough light to big Homer? It’s impossible!”
But Lumen answered: “It is true. I cannot provide enough light for Homer. I don’t care. I just want to share my own little light and nobody can stop me. My light is nothing in this darkness but at least I’m giving my best!”

The trees were dumbfounded and admired Lumen as the little firefly flew around Homer, emitting small warm light.

For the next three rainy nights that followed, Lumen was all alone with Homer.
But on the fourth day, there were two fireflies.

Then on the fifth day, five fireflies.
On the sixth, fifty.
And on the seventh day, thousands of fireflies … giving light to Homer and to the entire San Marcelino forest.

It all began when a small but brave firefly dared himself to be different.


- Wilfredo M. Samson,SJ